City News

PCOL. Torre, ipapatawag sa Sangguniang Panlalawigan

By Gilbert Basio

November 25, 2020

Ipapatawag sa susunod na regular na session ng Sangguniang Panlalawigan si Police Colonel Nicolas Torre III, bagong hepe ng Palawan Provincial Police Office, kaugnay sa sunod-sunod na pagpatay at pamamaril dito sa lalawigan ng Palawan. Ang pagpapatawag ay bunsod sa pribelehiyong talumpati ni Board Member Eduardo Modesto V. Rodriguez.

“Kung maalala po natin, August 4, sasakyan ng negosyante pinagbabaril sa Narra at dalawa ang sugatan. Matapos ang ilang linggo, September 23, timekeeper sa water system ng Quezon, patay matapos pagbabarilin ng riding in tandem. Matapos naman ang isang linggo, September 26, riding-in-tandem ay pinagbabaril sa Aborlan, sugatan. Matapos ang isang buwan mahigit, November 5, kapitan ng Poblacion ng Narra, patay sa pamamaril sa loob mismo ng kanyang pamamahay. Matapos ang isang linggo, November 17, isang abugado [ang] patay uli sa pamamaril ng riding-in-tandem sa Narra. Matapos ang ilang araw, ahente ng Asia Brewery, pinagbabaril sa Rio Tuba sugatan. November 20, isang hepe ng Municipal Planning and Development Office (MPDO), binaril din sa loob ng kanyang tahanan patay,” salaysay Rodriguez.

Binigyang diin ni BM Rodriguez na mahihirapang hikayatin ang mga turista na bumisita kung mismong ang mga residente ng lalawigan ay hindi ma-ingatan.

“Nakakalungkot kung mismong ating lalawigan [ay] hindi kayang ingatan ang sariling mamamayan, ano pa kaya ang mga turistang darating kung hindi mabibigyanng kasagutan at masupil ang ano mang pamamaslang sa sarili nating mamamayan?,” dagdag pahayag ni Rodriguez.

Samantala, ayon kay Board Member Albert G. Rama, napagkasunduan sa plenaryo na ipapatawag si PCOl. Torre sa isang executive session upang mapangalagaan kung ano man ang mga hakbangin ng PNP.

“Nagkaroon ng kasunduan na anyayahan na lang po ang bagong Provincial Director ng Philippine National Police sa susunod na session, ngunit ito ay gaganapin sa isang executive session,” pahayag ni Rama.