Tiniyak ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) na kasabay ng pagpasok ng tag-init ay kaya pa ring maibigay ng kanilang mga kasalukuyan source ng tubig ang pangangailangan ng lungsod.
“Ngayon, ‘yon pong ating status ng ating mga water source ay stable pa naman, especially ‘yong Campo Uno source natin [at] ‘yong atin pong sources sa Montible and Lapu-lapu [Rivers], ‘yong temporary source po natin doon ay stable pa ‘yong supply ng tubig,” ang pahayag ni Jenn Rausa, tagapagsalita ng PPCWD sa phone interview ng Palawan Daily News (PDN).
Ani Rausa, ang Campo Uno pa lamang, ngayong araw ay nakapagbibigay pa rin ng average daily flow rate na 500 cubic meters per hour.
“Mataas pa po ‘yon dahil ang pinaka-average ay nasa 750 cubic meter per hour and given na nasa March na tayo, malapit na tao sa April and kumpara noong mga nakaraang taon na na-experience natin, ngayon, maganda ‘yong supply ng tubig natin. Kasi kung magbi-base tayo noong nakaraang mga taon, sa ganitong panahon ay nagrarasyon na tayo ng tubig,” dagdag pa niya.
Dahil dito, malugod niyang inihayag na ngayon ay hindi magdedeklara ng Water Crisis Alert Level 1 ang kanilang tanggapan.
Aniya, maliban sa maganda pa ang status ng Campo Uno sa ngayon, binigyang-diin niyang malaking tulong na na-tap ng PPCWD ang provisional water source ng Montible at Lapu-lapu Rivers simula pa noong Abril 2020. Ang nasabing Water Supply Improvement Project (WSIP) II ay nasa 70 porsiyento na ring tapos sa kasalukuyan.
“Yong provisional pa lang po ‘yong na-tap natin doon sa Montible and Lapu-lapu. Bale, 50 percent palang ng project design ang operational ngayon na in-implement natin. We are targeting na mag-operate po itong Montible and Lapu-lapu project natin [in full] by November. Supposedly po by July this year [sana] pero dahil sa pandemic, nakaapekto sa shipment ng mga equipment na gagamitin at mga materials, kaya nag-adjust tayo ng November,” ani Rausa.
Tinuran ding niyang kahit umano ipagpalagay na hindi na-tap ang Montible at Lapu-lapu ay magiging sapat pa rin ang suplay ng tubig ng siyudad. Nariyan umano ang posibilidad na bahagyang hihina ang pressure ngunit hindi ito tuluyang mawawala dahil sa ngayon ay nag-o-overflow pa ang Campo Uno dam.
“Mataas pa ‘yong water level [doon], then hindi pa natutuyuan ‘yong ilog ng Irawan, so, makakukuha pa tayo ng supply doon. Malaking karagdagan lang po talaga itong ating Montible and Lapu-lapu dahil hindi na nag-o-operate ‘yong mga pumping station natin,” ayon pa sa spokesperson ng PPCWD.
NAKATULONG ANG PALAGIANG PAG-ULAN?
Sa obserbasyon ng tagapagsalita ng Water District, masasabi umanong malaki ang naitulong ng palagian at sunod-sunod na pag-ulan sa nagdaang mga linggo kaya hindi agad natuyuan ang naturang mga ilog.
“Kung sakali ngayong April, hindi tayo makararanas ng pag-ulan, we can still say na enough pa ‘yong supply ng tubig natin dahil ‘yong capacity ng mga ilog natin ngayon ay nasa normal level pa,” dagdag pa niya.
Samantala, base naman sa isinagawang pag-aaral ng PPCWD, magagamit hanggang 10-15 taon ang WSIP II na may production capacity na 30,000 cubic kada araw.
“Pero hindi naman ibig sabihin na kapag natapos na ang 10 years na ‘to ay hindi na magagamit ‘yong source—magagamit pa rin po ‘yan, magtutuloy-tuloy pa rin po ‘yong operation just like ‘yong sa Campo Uno natin…[na] parang 10 years lang din po ‘yong design capacity pero until now, nagagamit pa rin natin,” saad pa ni Rausa.
Sa kabila nito, patuloy namang hinihikayat ng ahensiya ang mga mamamayan na maghanda at magtipid pa rin ng tubig sapagkat papasok na ang buwan ng Abril at pabago-bago ang panahon na hindi rin umano maikakailang makaaapekto pa rin ito sa source ng tubig.