City News

Prangkisa ng tricycle, posibleng makansela kung hindi mare-renew

By Gilbert Basio

February 27, 2021

Nanawagan ang pamunuan ng Puerto Princesa Tricycle Franchising Section sa mga operator ng mga pampasadang tricycle na samantalahin ang pinalawig na panahon sa pag-renewng kanilang prangkisa. Inaprubahan na kasi ang extension hanggang sa katapusan ng Marso.  Habang ang Mayors Permit naman ay hanggang sa huling araw ng Abril.

“Nire-remind po natin ang ating mga kasamahang tricycle driver operators na kung saan i-renew po natin ang ating prangkisa alam naman natin na may pandemic ngayon medyo hirap ating buhay. Subalit ito po [ay] isa sa pinagkukunan natin ng kabuhayan kaya hinihiling ko po sa inyo na tayo ay mag-renew at gawin po natin na makapag-renew ng [hindi] abutin ang ating ibinigay na deadline upang maiwasan po natin ang posibleng pagkansela ng kanilang mga prangkisa.”  Ayon kay Rodel Muñoz, head ng Tricycle Franchising Section.

Ayon kay Muñoz, mula nang magsimula ang renewal ng prangkisa hanggang noong nakaraang Sabado, Pebrero 20 ay 1,750 pa lamang ang nakapagproseso sa 5,339 kabuuang bilang ng pampasadang tricyle sa lungsod.

“Ang ating active na mga may prangkisa ay  umaabot na lang ng 5,339 out of doon sa 6250 na naibigay ng ating Sangguniang Panlungsod, kasama na po yung special doon. Yun po ang ini-expect natin na dapat mag-renew,”

Ipinaliwanag din ng Tricycle Franchising Section head na may pagdadaanan namang proseso bago makansela ang prangkisa ng mga hindi makakapag-renew at nasa kamay aniya ito ng Committee on Transportation sa Sangguniang Panlungsod.

“Ang pagkakansela naman ng ating mga prangkisa at mga papeles ay hindi automatic. Pero, ito po ay dadaan sa proseso pagkatapos ng takdang panahon. Magsusumite po yung ating Permits and licensing office ng mga hindi nakapag-renew.  Ito po ay isusumite sa ating Sangguniang Panlungsod at pag-uusapan yan thru Committee Meeting at ang recomendation ng ating Committee ay yun po ang mangyayari doon — kung pagbibigyan ba nila o kakanselahin na nila ang mga hindi nakapag-renew.”

Ayon naman kay Boy, tricycle driver sa Barangay San Pedro may ilan silang kasama sa TODA na hindi pa nakapag-renew habang ang iba naman ay nagbebenta na ng kanilang tricycle dahil sa hirap ngayon ng pamamasada.

“Dito sa amin [sa kanto ng Libis, Barangay San Pedro] ilan na lang ang hindi pa naka-renew, yung iba on process pa. Yung iba naman alanganin na rin [mag-renew] binabawas na rin ang takbo binawal na sa highway, yung iba nga nagbebenta na ng mga unit.”