Taken at San Jose, New Market, March 18, 2019. Photo by Melvin Garvilles || Palawan Daily News

City News

Problema sa mga palengke, hinanapan solusyon ng lehislatura ng Puerto Princesa

By Diana Ross Medrina Cetenta

September 21, 2020

Bunsod ng mga problemang natuklasan ngayon sa dalawang pamilihang-bayan ng Lungsod ng Puerto Princesa ay agad na inaprubahan ng City Council ang inihaing mga resolusyon bilang katugunan dito.

Ang nasabing mga hakbang ay ang paghiling kay Mayor Lucilo Bayron at ang pagbibigay ng kapangyarihan sa kanya na i-require ang mga stall owner sa Old Market at New Market na lumagda sa isang contract of lease sa Pamahalaang Panlungsod, alinsunod na rin sa nakasaad sa Section 11 ng Ordinance No. 53-23 o ang “Old Market Code” ng Puerto Princesa City, at ang pagliham sa City Treasurer’s Office na magsumite sila ng plantilla requirement sa Committee on Human Resource upang matugunan na ang kakulangan sa mga revenue collector, na partikular na nakatalaga sa mga palengke ng lungsod. Tugon umano ito sa kakulangan sa mga revenue collector mula sa Tanggapan ng Ingat-yaman ng siyudad na nakikitang dahilan sa hindi maayos na pagkukulekta sa dapat sanang mga buwis mula sa nasabing mga pasilidad.

Kasama rin ay ang kahilingan sa Punong Lungsod na pag-aralan ang posibilidad ng pagtatalaga  ng mga private security guard sa mga pamilihan ng siyudad, at ang hilingin din sa pamunuan ng City PNP na maglagay din doon ng kanilang personnel upang matugunan ang isyu sa seguridad. Ito umano ay sa kadahilanang ilang may-ari na rin ng tindahan ang nagrereklamo sa mga insidente ng nakawan sa kanilang mga paninda pagsapit ng gabi na hindi umano lubos na nababantayan ng pamunuan ng City Market Division dahil marami sa kanilang mga tauhan ang natanggal na.

Gayundin, kabilang din sa mga hakbang ng Konseho ay ang paghiling sa Punong Lungsod na isama sa 2021 Annual Budget ang paglalaan ng P10 milyon para Pangkabuhayan Program para sa mga vendor ng Luma at Bagong Palengke.

Layon naman nitong matulungan  ang mga nagtitinda sa palengke, matapos lumabas sa isinagawang inventory ng Business Permit and Licensing Office and Regulatory Enforcement Monitoring Unit (BPLO-REM) na ginagamit ng ilang market vendor na collateral ang kanilang pwesto sa palengke upang makapangutang sa mga private lender. Sa ulat ng BPLO-REM sa Konseho, nasa 84 stalls na sa Old at New Market ang nakuha na ng isang Rosario “Baby” Gapuz matapos na gawing kolateral sa utang na kalaunan ay kanyang naremata,  na malinaw umanong paglabag sa Section 11 (c) ng Old Market Code.

Samantala, muling napag-usapan ang nabanggit na mga problema sa mga pambilihang-bayan ng lungsod matapos na isinagawa ang pagpupulong ng Committee on Market and Slaughterhouse noong Setyembre 10 na  iniulat naman ng chairman ng Komite sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod ngayong araw para sa Second Reading.