City News

Puerto Princesa City Council, magsusumite ng resolusyon sa NWRB upang atasan ang PPCWD at IPPF na kumuha ng FPIC

By Diana Ross Medrina Cetenta

June 23, 2021

Kapag napirmahan na ng Alkalde ay isusumite ng Puerto Princesa City Council ang isang resolusyon sa National Water Resources Board (NWRB) upang atasan ang Water District at Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) na sundin ang Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) sa kanilang pinasok na joint water project.

Ito ay may kaugnayan sa Jan. 20, 2020 pang liham ng chairman ng Ancestral Domain Management Council at ngayo’y City Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Johnmart Salunday. Laman ng liham ang imbitasyon sa Puerto Princesa Water District (PPCWD) upang bigyang linaw ang usapin ng pagpasok umano ng PPCWD sa ilang lupaing ninuno ng walang paabiso at hindi dumaan sa proseso ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) na iniulat ni Konsehal Salunday sa nakaraang sesyon ng Konseho noong Lunes.

Ipinaliwanag ni Kgd. Salunday, chairman ng Committee on Indigenous People and Cultural Communities, na paglabag sa isinasaad ng “IPRA” ang pagpatuloy ng Puerto Princesa Water District at IPPF sa proyekto sa Montible at Lapu-lapu Rivers dahil sa hindi sila kumuha ng Certificate of Precondition, at Certificate of Non-overlap, alinsunod sa Sec. 59 ng RA 8371. Naglabas na rin umano ng certification ang NCIP-Palawan na nagsasabing ang mga lugar na kinaroroonan ng mga bagong water system improvement project ng PPCWD sa Montible at Lapu-lapu River ay sakop ng ancestral domain ng mga katutubo.

Ngunit sa kabila nito ay ayaw umanong sumunod ng nasabing mga ahensiya sa isinasaad ng IPRA, maliban na lamang kung iuutos ng NWRB. Dito na umano sila nagkasundong susulat na lamang sa ahensiya upang maresolba ang usapin na sa orihinal na titulo ng resolusyon ay “i-defer” ang renewal ng PPCWD sa bahagi ng Montible at Lapu-lapu habang inaayos ang FPIC.

Ngunit nilinaw ni Salunday na hindi  intensyon ng grupo ng mga katutubo doon na itigil ang operasyon ng Water District sa Montible River at Lapu-lapu River.

“Hindi naman po ganoon ang mentalidad naming mga katutubo. Unang-una, nauunawan po namin ang pangangailangan sa tubig ng lahat ng tao — katutubo man siya o hindi. Ang malungkot lang po ay hindi nauunawan ng mga hindi katutubo at ng mga sangay ng pamahalaan na dapat i-comply naman nila  according to the law ‘yong karapatan ng mga katutubo,” aniya.

Dagdag pa niya, ang kailangan lamang nila ay respeto at pagkilala sa kanilang mga karapatan.

“Mandato po ‘yan eh. National law po ‘yan. Ang sinasabi naman po roon lahat, even the government programs and projects must secured the Free, Prior and Informed Consent. So, ano po ‘yong dahilan bakit hindi pwedeng gawin? At nakikita naman po natin na wala naman pong dahilan para tutulan ito at hindi maa-approve?” giit pa ng Konsehal.

Sinariwa pa ng IPMR ang sitwasyon sa Irawan River. Aniya, mauubos na lamang ang tubig roon ngunit hindi pa rin nakakuha ng FPIC mula sa mga katutubong Tagbanua ng Irawan ang Water District.

Ngunit para naman sa Majority Floor Leader na si Kgd. Victor Oliveros, bagamat nauunawan niya ang hinaing ng mga IPs, nangangamba siya sa impact ng kahilingan na nagsasabing “i-defer” ang renewal ng Water District.

Aniya, halimbawang pagbibigyan ng NWRB at defer ang aplikasyon ay nangangahulugang walang karapatang mag-operate ang PPCWD na nagreresulta sa pagbawas sa source ng tubig. Kaya aniya, sa halip na “defer” ay “urge” na salita na lamang ang ipapalit nila sa titulo ng resolusyon.

Paliwanag naman ni Kgd. Salunday, kung sumunod lamang sila ay hindi aabot na susulat pa sa NWRB ngunit nirerespeto niya ang anumang mungkahi ng kanyang mga kasamahan ukol dito.

Ang nakitang solution ng Komite dahil ayaw umanong sumunod ng nabanggit na mga ahensiya ay iakyat ang usapin sa NWRB dahil ito ang administrador pagdating sa paggamit ng tubig sa buong bansa.

Ilalakip naman sa ipadadalang resolusyon ang kopya ng certification na mula sa NCIP-Palawan na pirmado ng provincial director na nagsasabing bahagi ang lugar ng ancestral domain.

Sa huli, ang pinal na napagkasunduan ay ang mungkahi ng co-chairman ng Committee on IPs and CCs na si Kgd. Nesario Awat upang masolusyunan ang pangamba ni Konsehal Oliveros na naapektuhan ang supply ng tubig sa siyudad kapag gagamitin ang original na titulo ng resolusyon. Sa halip na “defer” ay ipinalit ang mga katagang “urge” at “to direct” o aatasan at didirektahan ang PPCWD at IPPF na sundin ang IPRA, batay sa kahilingan ng mga IP.

PALIWANAG NG PPCWD, IPPF

Sa hiwalay namang panayam, ipinaliwanag ng tagapagsalita ng PPCWD na si Jenn Rausa na lahat  ng mga proyekto nila ay dumadaan sa tamang proseso. Aniya, may proper  coordination ang PPCWD sa Bucor para sa Montible Project na silang may hurisdiksyon sa area bago pa man umano pasimulan ang konstruksyon o ang pagpasok nila sa area para sa pagsasagawa ng proyekto.

“Yan pong concern nila ay nasagot na po ng opisina kay Sir Salunday noong una palang pong na-tackle ‘yang issue, sa level na po sana ng BuCor ‘yan i-settle since Bucor po ang nagbigay ng approval sa PPCWD,” aniya.

Ayon naman sa spokesperson ng IPPF na si Corrections Technical Officer (CTO) II Levi Evangelista, sakop ng kanilang ahensiya ang kinaroroonan ng nasabing proyekto ng Water District. Aniya, nang magsumite ng liham ang IPMR sa Sanggunian na ihinto ang operasyon ng Water District, ang naging kasagutan ng PPCWD ay operator lamang sila at ibinalik ang usapin sa IPPF na sila namang may hurisdiksyon sa lugar.

“Kung titingnan natin ‘yong history, si Iwahig naman ay Nov. 16, 1904, more or less ay 117 years na; sino ba talaga ang nauna?” ayon naman kay Evangelista.

Panawagan na lamang ng opisyal na  makipagtulungan na lamang  ang IPMR at ang mga IP na maprotektahan ang IPPF kung saang naroon ang pinakamalaking source ng tubig ng Puerto Princesa.

“Nonetheless, ang pinakamaganda sigurong gawin at this point in time, the win-win situation, is pare-parehas nating protektahan ‘yong area kasi may reports na allegedly, may mga mamumutol ng kahoy, may mag-uuling, may nagkakainingin. Let us help one another para sa kapakanan ng nakararaming mga mamamayan ng Puerto Princesa,” ani Evangelista.

Samantala, sa ngayon ay nasa Montible at Lapu-lapu Rivers ang phase 2 ng water system improvement project ng Water District. Sa kasalukuyan, ito ang nagpo-produce ng 30% ng kabuuang supply ng tubig ng siyudad.