City News

Puerto Princesa City Government, bibili pa rin ng AstraZeneca vaccine kahit hindi ito mabisa sa African variant ng COVID-19

By Angelene Low

February 08, 2021

“Ano ang pipiliin mo? 0% o 40-50%?”

Ito ang naging tugon ni Dr. Dean Palanca, Puerto Princesa Incident Management Team Commander, kaugnay ng inilabas na pag-aaral kaugnay ng epekto ng bakuna ng AstraZeneca kontra sa B.1.351 o South African variant ng COVID-19.

“May mga percentage yan hindi man 100%. May nakita naming 40-50%… Ano ang pipiliin mo? 0% o 40-50%? Ako nga kahit 10% lang ay kukunin ko na eh kesa sa wala akong proteksyon. Hindi ako lalala ay madala pa ako sa ospital so kahit 5% pa yan o 10% to 40% [ay papayag ako] kesa sa walang porsyento na walang proteksyon sa sarili mo…”

Sa pag-aaral ng Oxford University, lumabas na nagbibigay lamang ng limitadong proteksyon laban sa B.1.351 o South African variant ng COVID-19 ang AstraZeneca vaccine.

“Researchers from the University of Witwatersrand and others in South Africa and the University of Oxford, UK found that viral neutralisation by sera induced by the ChAdOx1 nCoV-19 coronavirus vaccine against the B.1.351 coronavirus variant were substantially reduced when compared with the original strain of the coronavirus.”

Matatandaang inanunsyo ng Local Government Unit (LGU) ng Puerto Princesa noong Enero 15 na ang napiling bakuna na bibilhin ay ang AstraZeneca dahil ito ang pinaka-angkop sa lahat ng mga bakunang sinuri dahil hindi nito kinakailangang maimbak sa napakalamig na temperature.

“Yun yung [AstraZeneca] pinaka-akma sa atin. Mataas na rin yung effectivity niya nasa 70-90% so that’s good enough kasi yung baseline naman ng WHO ay 50%. As low as 70 [and] as high as 90 [percent yung efficacy]. Malaking bagay na po siya kaysa naman wala kang protection ‘diba? kesa sa 0 talaga.” Ayon kay Dr. Ricardo Panganiban, City Health Officer at Chairman ng Puerto Princesa City COVID-19 Vaccination Council.

Ayon kay Christopher Nelmida na taga -arangay Sicsican, magpapabakuna pa rin ito dahil wala pang naitalang kaso ng South African variant ng COVID-19 sa lungsod ng Puerto Princesa at maging sa buong Pilipinas.

“Kasi ang lumalaganap sa atin, ay yung COVID-19 at yung UK variant pa lang nakapasok sa Pilipinas parang ganun. Pero yung sinasabing African variant parang wala naman yun. Kasi nga pag ganun atleast meron kang tinatawag na proteksyon sa sarili mo na kahit papaano ay mayroong nang antibodies. Malay mo may mas ma-develop pang bakuna kung yun ang available. Pero kung meron pang ibang available na bakuna laban sa COVID-19 o kahit anong variant puwedeng puwede siya kahit saan at yung [bibilihin] ng pamahalaan eh ‘di dun tayo.”

Para naman sa isa pang residente ng Puerto Princesa, hihintayin muna nito na magpabakuna ang mga prayoridad ng gobyerno upang masiguro na ligtas nga mga bakuna.

“First, ano ba ang chances na magkakaroon tayo ng South African variant ng COVID-19? Kung nakikita ng experts ng City [Government] na mas effective siya sa atin sa dito kahit walang South African variant, why not? [Pero, magpapabakuna ako] siguro pag natapos na yung mga first na mga volunteer na mauuna. Siyempre titimbangin mo kung bagay sayo yung [bakunang yun], kung may parehas kang tao na nai-report na ganitong may condition akong ganito tapos in-injectionan ka lang ng AstraZeneca. So kung nagkaroon sila ng complications eh ‘di ligtas ako kasi hindi ako nag-una-una.

Paniguro naman ni Dr. Palanca, pipiliin naman ng lokal na gobyerno ang pinaka-epektibong bakuna dahil ito rin ang gagamitin nilang mga frontliners.

“Maabot din yan sa atin. Kung maaaring makapili tayo, pipili tayo siyempre at ganun din naman ang ating mahal na Mayor, the best is yun ang pipiliin hanggat maaari. Pero its much better na meron kang bakuna kesa sa wala kang bakuna o ibig sabihin much better na meron kang proteksyon kesa sa wala kang proteksyon at all pero siyempre ita-try po natin na yung pinakamaganda o yung high quality na lang yung ating makuha po doon.”

Sa statement naman ng Oxford University, nakikipagtulungan umano sila sa AstraZeneca manufacturers upang makagawa ng mga bakunang magiging epektibo sa mga bagong variant ng COVID-19.

‘Efforts are underway to develop a new generation of vaccines that will allow protection to be redirected to emerging variants as booster jabs, if it turns out that it is necessary to do so.’ ‘We are working with AstraZeneca to optimise the pipeline required for a strain change should one become necessary. This is the same issue that is faced by all of the vaccine developers, and we will continue to monitor the emergence of new variants that arise in readiness for a future strain change.’