Puerto Princesa City Government, pinag-aaralan ang magiging hakbang sa mataas na presyo ng karne sa palengke

City News

Puerto Princesa City Government, pinag-aaralan ang magiging hakbang sa mataas na presyo ng karne sa palengke

By Gilbert Basio

January 18, 2021

Nakarating na umano sa tanggapan ni Puerto Princesa City Councilor Elgin Damasco, ang Chairman ng Committee on Market and Slaughterhouse, ang sitwasyon kaugnay sa kakulangan ng supply ng karneng baboy at manok sa mga pamilihan sa lungsod.

“May nakarating na po na report tungkol sa bagay na yan. [Sa] katunayan kinausap na natin ang ating Market Superintendent si Mr. Joseph Carpio kung ano ang puwedeng gawin tungkol sa pagtaas ng presyo ng karneng baboy at yung kakulangan ng supply,” ani Damasco.

Ayon pa sa konsehal ang problemang ikinakaharap ng pagkakaroon ng shortage sa supply ng karneng baboy sa lungsod ang dahilan ng pagtaas ng presyo nito sa merkado.

“Bakit mahal? Dahil kulang ang supply. Ang problema natin kasi mayroon tayo mga nagbababuyan na mas pilipili nila na magbenta ng karne sa ibang lugar outside Palawan dahil mas mahal ang kuha sa kanila kaysa sa mga buyer dito sa lungsod ng Puerto Princesa,”pahayag nito.

Dagdag pa nito na pinag-aaralan na din umano ng Pamahalang Panlungsod ang mga pwedeng gawing hakbang para maibsan ang kakulangan ng baboy sa palengke.

“Ngayon, mayroong sulat si Mr. Carpio kay Mayor Bayron [at] sa City Veterinary Office na pag-aralan na wag muna payagan ang pag-export ng karne o ng mga baboy palabas ng Puerto princesa. Yun lamang ang tanging sulosyon dyan sa problema na yan. Kaya lamang yan ay pinag-aaralan pa ng City Legal Office dahil baka naman mayroon tayong lalabagin na batas on free enterprise… [o sa] constitutional rights ng mga nagbababuyan kung saan nila gusto magbenta eh wala rin tayo magagawa doon.”

Nakikiusap si Damasco na pakinggan ang hinaing nito na unahin muna pagsupply dito sa lungsod bago ibenta ang produkto sa ibang lugar.

“Sa ating mga nag su-supply ng karneng baboy sana naman po maawa kayo sa mga kapwa ninyo mga taga lungsod na Puerto Princesa.”

Samantala, suhestyon naman nito na palakasin ang pag-aalaga ng manok dito dahil nag-i-import pa ang lungsod mula sa ibang lugar.

“Yun ang problema natin kulang tayo sa supply dito mismo sa Puerto Princesa. Umaasa tayo ng supply galing Iloilo [at] yung NCCC galing pa ng Davao… dahil kulang tayo ng produksyon.”