Sampung (10) araw mula nang bawian ng buhay noong Pebrero 6 ang isang 82 anyos na ginang na taga-Barangay San Jose dahil sa komplikasyong dulot ng COVID-19 sa Ospital ng Palawan, pumalo na sa 33 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Puerto Princesa.
Base sa record noong Pebrero 6 ng Department of Health Center for Health Development (DOH-CHD) MIMAROPA , mayroon lamang 6 na kaso ng COVID-19 sa lungsod at pangatlo lamang ito sa rami ng bilang ng aktibong kaso ng COVID -19 sa buong rehiyon. Subalit sa update nito kahapon, Pebrero 15, ay lumobo na ito sa 33. Lumalabas naman sa talaan ng Puerto Princesa Incident Management Team (IMT) na 21 dito ay mga ‘1st hanggang 3rd generation close contacts’ ng yumaong pasyente.
Nakasaad din sa talaan na pumapangalawa ang Oriental Mindoro na mayroong 14 na kaso ng nasabing virus. Pangatlo naman ang Marinduque na may 7, pang-apat ang Palawan na may 4, sinusundan ng Occidental Mindoro na may 3 at sinusundan naman ng Romblon na mayroon lamang i2 aktibong kaso ng COVID-19.
Samantala, dahil sa mataas na ‘local transmission’ sa lungsod ay naglabas ng Executive Order No. 7 ang lokal na pamahalaan para paigtingin ang pagpapatupad ng health and safety protocols kasama ang: mas maagang curfew hours, pagtulong ng PNP sa isinasagawang contact tracing, palakasin ang presensya ng mga COVID-19 Marshals, pagbabantay sa mga establisyemento kung natutupad ang minimum health standards, paglimita sa mga social gathering, pagpapatupad ng 50% ng mga empleyadong pumapasok sa mga tanggapan ng pamahalaan, at pagbabawal sa mga 15 anyos pababa at 65 anyos pataas na lumabas sa kanilang mga tahanan.