City News

Puerto Princesa City PNP nagtalaga ng mahigit 100 personel para magbantay sa parating na plebisito

By Gilbert Basio

February 08, 2021

Magiging aktibo rin ang hanay ng Puerto Princesa City Police Office sa panahon ng plebisito kaugnay ng paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya. Partikular na umano sa pagpapatupad ng seguridad sa panahon ng pagbibilang ng boto o canvassing sa gusali ng kapitolyo.

“Ang pinaka-in charge pa rin talaga sa security is yung Palawan PPO kasi sa loob siya, doon sa Provincial Capito. Ang nangyari sa amin sa City PNP nag-augment kami ng personnel, additional personnel sa kanila (Provincial PNP) for the utilization. Pero ang head talaga ng security, sila. So kahit ang counting dito, in case lang na may crime ang magiging imbestigador yung city PNP.” Police Major Mhardie Azares, tagapagsalita ng City Police Office.

Ayon pa kay PMAJ. Azares, may itinalaga sila 182 na tauhan ng City PNP para makatuwang ng Provincial PNP at ang iba dito ay itatalaga rin sa iba’t ibang munisipyo para magbantay.

“Actually, made-deploy sa mga munisipyo. Sa City PNP, nagdagdag tayo sa kanila ng 182 personel. Sila nang bahala kung saan nila i-assign. So basically, sa canvassing area sa capitol ay may duty sila na diyan lang intended for security sa loob.”

Dagdag pa nito na kaisa rin sila sa pagsasagawa ng check point bilang bahagi ng presensya ng pulis sa lansangan at siniguro nito na kahit nabawasan ang kanilang puwersa dito sa lungsod ay sapat naman ang kanilang bilang para panatilihin ng kaayusan at katahimikan.

“Kasama yan sa mga activities natin ang police presence. Yung mga routine activities natin ay isasagawa pa rin natin, yung mga checkpoint [at] mobile patrol mga ganun. Siniguro lang natin na may naiwan tayo na sapat na pulis dito sa city kasi aside doon sa prinovide natin na additional force sa Palawan ay marami pa naman tayong naiwan.”

Samantala, sa flag raising ceremony sa City Hall ay binanggit ni Mayor Lucilo Bayron na magbibigay ito ng draft Executive Order na ipapasa sa Sangguniang Panlungsod para bumuo ng ordinansa kaugnay sa pagpapatupad ng gun ban at liquor ban kaugnay ng plebisito. Base aniya ito sa kahilingan ng COMELEC National.