City News

14 turista, 2 lokal na crew ng yate sa Tubbataha, nagpositibo sa COVID-19

By Raiann Luna Casimiro

May 25, 2022

Labing-anim na kaso ng COVID-19 ang muling naitala sa lugar ng Tubbataha Reefs and Natural Park, kung saan labing-apat [14] dito ay mula sa mga foreign tourists at dalawa [2] ay galing sa mga lokal na crew member ng nasabing yate, base sa naging kumpirmasyon ni Dr. Dean Palanca, Chief Commander para sa Incident Management Team (IMT) ng lungsod, bilang ito ang naging paksa ng virtual press briefing kaninang ganap na 4:30 PM, nitong araw ng Martes, May 24.

Ang nasabing yate ay may sakay na 43 katao na naglayag noong May 14; 23 rito ay ang mga turista galing sa ibang bansa at ang 20 ay mga lokal na crew ng bangka.

Ang mga turista ay nakatakdang maglayag sana papunta sa Tubbataha upang mag mag-scuba diving at gawin ang iba pang naka-iskedyul na aktibidad.

Subalit, pagkatapos ng dalawa’t kalahating araw ay may isang foreigner na turista ang uminda ng ilang sintomas ng COVID-19; nakaramdam ito ng pananakit ng katawan na senyales ng trangkaso, nagkaroon rin ng pabalik-balik na sinat, at sipon.

“By that time, which is after two days nung na naglayag sila ng May 14, aware naman po yung management nung yate na ito sa nangyari. Nag-test po sila the next day, May 18. Ito ay nandun na sila sa Tubbataha at tinest nila yung lahat ng mga turista na ‘to,” ani Dr. Palanca.

Para makasiguro, isinailalim ang mga turista sa rapid antigen test, kung saan lima [5] sa kanila ang nakumpirmang positibo nga sa naturang sakit.

“Out of [the] 26 tourists, meron pong nagpositibo sa antigen test na limang [5] individual na mga turista. Pagdating ng kinabukasan, nagsabi sila sa Puerto Princesa na since meron silang nagpositibo sa antigen test, sila ay nag-request sa Puerto Princesa na bumalik po agad sila dahil nga merong COVID suspects sila,”

Ang grupo ay dumating sa port ng lungsod noong umaga ng May 19 at sinalubong ng Puerto Princesa Incident Management Team (IMT) upang kunin ang limang [5] na nagpositibo sa antigen test at dalhin sa quarantine facility.

“Ang lima pong ito ay dinala sa ating quarantine facility ng Puerto Princesa. Ang the rest po ay nagstay pa sa boat, sa malaking yate, May 19, noong araw na yun. Pero po nung the next day, which is May 20, ay nagdecide na rin po yung mga tourists and yung mga crew po na talagang bumaba at pumunta na lang, sumama na lang sa ating quarantine facility,” dagdag niya.

Ang mga natirang turista na kasama ng lokal crew ay kasalukuyan na rin daw na inaasikaso ng Incident Management Team (IMT) at sila ay in-isolate rin dahil sila ay mga naging close contact ng mga nagpositibo.

“Nitong May 20 po, which is Friday po yun, yung unang limang katao po na nagpositive sa antigen test ay sumailalim po sa RT-PCR test dito sa ating molecular lab at kinahapunan po ay nakita natin ang resulta na positibo po talaga sila sa COVID. Sila ay binalik natin sa ating quarantine facility para dun tapusin iyong kanilang pagpapagaling,” sabi ni Dr. Palanca.

Sa tala ng IMT, sumailalim na rin kahapon, May 23, ang mga natirang lulan ng yate sa RT-PCR test at labing-isa [11] pa ang nakumpirmang positibo rin sa COVID-19.

“All in all po, meron po tayong 14 na turista na nagpositive, at dalawang local crew ng malaking yate na to. 16 po lahat. Suma-tutal, out of 43 po na katao na sumakay po ng yate,” sabi ng Chief Commander.

Dagdag ni Dr. Palanca, sa 14 na turista na may edad na 40 hanggang 70 years old ay pito ang babae at lalake at karamihan sa kanila ay amerikano, at ilan ay mga european.

Habang sa dalawang lokal crew member naman na nagpositibo rin ay dalawang lalake na nasa 20s at 40s naman ang mga edad.

“Ito pong labing-anim na ‘to na nagpositive po ay tatapusin po nila ang kanilang quarantine at isolation po dito po sa ating quarantine facility po ng Puerto Princesa bago po sila makakalabas ng isolation facility,” sabi ni Dr. Palanca.

Ang mga turista naman na nagpakita ng negatibong resulta sa kanilang RT-PCR test ay kasalukuyang pabalik na rin sa Manila, at ilan na rin ang nakauwi na.

“Yung mga nagpositive po na ‘to, sa 16 na ‘to, I think, hindi bababa sa sampu [10] ang pwede pong ipa-test natin sa genome testing [center] natin at yan pong ngayong linggo ay ipapadala sa Manila for genome sequencing po, at itetest po yan sa molecular lab ang area. Either, sa Philippine Genome Center or sa RITM sa Metro Manila,” saad ni Dr. Palanca.

Ayon sa Incident Chief Commander, naging malaking tulong sa ekonomiya ng probinsya ang pagbaba ng Alert Level system, ngunit ang mas maluwag na pagtanggap ng mga bisita galing sa ibang lugar ay malaking hamon para sa lugar dahil maaaring carrier sila ng naturang sakit, o ng iba pang possibleng variant galing sa ibang bansa.

“Though tumutulong tayo sa tourism industries, hindi talaga natin maiiwasan na iyong mga turistang dumadating ay maaaring carrier talaga ng Covid at mayroon pa na posibleng variant ng Omicron dahil galing sila sa ibang bansa,” pahayag ni Dr. Palanca.