“Mga kabataan, may pera sa Science, pwedeng pangkabuhayan, pwedeng pangkakitaan.”
Ito ang bahagi ng pambungad na pananalita ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron sa pagbubukas ng tatlong araw na Regional Science and Technology Week (RSTW) na may titulong “Changing Lives through Science” at may temang “Enabling Technologies for Sustainable Development” na nagbukas noong Nobyemre 27 at magtatapos ngayong araw, Nobyemre 29. Kaalinsabay din ng aktibidad ay ang 2019 Regional Invention Contest and Exhibits.
Sumentro sa mga kabataan, ang tinaguriang pag-asa ng bayan, ang mensahe ng Punong Lungsod na kanyang pinayuhang huwag matakot na kumuha ng kursong may kaugnayan sa agham. “Maybe sa inyo manggaling ‘yung change na hinihintay ng bansang Pilipinas.”
“Sa mga kabataan, nandito tayo sa sitwasyon na ito, [but] we came from the prehistoric times, [at] nagkaroon ng maraming changes tsaka mabilis na change…mainly because of Science, mainly because ang mga tao ay palaging inquisitive, at medyo makulit, at nagpi-persevere. Kasi ‘yun ang mga katangian na kailangan natin—to find new ways of doing things, of finding ng mas agenda, mas maura at mas mabilis na paggawa ng mga bagay,” panghihikayat pa ni Mayor Bayron.
Idinaan pa niya sa biro ang ilang pahayag. Aniya, kahit man siya engineer ay isa naman siyang ‘imageneer’ dahil may tinitingnan umano siyang magandang bukas para sa lungsod.
ANG PAPEL NG SIYENSIYA
“Sa mga kabataan, mayroon ding statement na ‘Nothing has ever been done so well that it makes no change for improvement.’ Lahat ay pwede mong i-improve at doon papasok ang science,” giit pa niya.
Sa pagbubukas ng programa, ipinaabot niya sa kabataan, lalo’t higit ng Puerto Princesa, ang kahilingang magkaroon sila ng interes na dumalo sa mga porum, sa mga presentasyon at mag-ikot upang makita ang exhibit. Nang sa gayun umano ay mahihikayat silang pumasok sa mundo ng siyensiya at agham.
Ipinaabot din niya sa mga opisyal ng DOST na walang problema kung taun-taon mang ganapin ang kahalintulad na aktibidad sa siyudad sapagkat nakahanda umano sila para rito.
Sa mensahe naman ni DOST Sec., Dr. Fortunato dela Peña na kinatawan ni DOST Undersecretary for Regional Operations Brenda Nazareth-Manzano, binanggit niyang isinasagawa ang mga kahalintulad na aktibidad alinsunod sa Proclamation 169, s. 1993, na inamiyendahan ng Proclamation 780, s. 2019, kung saan, inaatasan ang kanilang tanggapan na magselebra ng National Science and Technology Week (RSTW) kada taon. Layon umano nitong ma-highlight ang kahalagahan ng kontribusyon ng science, technology (S&T) at innovations para sa pambansang pag-unlad.
“And in order to reach growth in the countryside, this event is also celebrated at the regional level that’s why we now held the National Science and Technology Week celebration here in Palawan,” ang binasang mensahe ni Usec. Manzano sa ikalawa sa huling regional celebration ngayong taon.
Mithiin din umano sa pagsasagawa ng tatlong araw na aktibidad ang makapagbigay sa mga stakeholders ng Mimaropa Region ng mas malalim na pang-unawa at apresasyon sa agham, teknolohiya, inobasyon at sa papel nito sa pagbabago ng buhay ng isang tao.
Ang nasabing pangrehiyong aktibidad umano na puno rin ng mga aktibidad at mga exhibit ay nagpapakita ng iba’t ibang mga programa, proyekto, mga serbisyo at inisyatiba na pangunahing kailangan upang maaabot ang “socio-economic development goal” ng bansa na nakasaad sa 2017-2022 Philippine Development Plan at ng UN 2030 Agenda for Sustainable Development.
“They hope that trough RSTW, they could bring together all the sector of communities to cooperate in realization of their vision in achieving inclusive and sustainable development for everyone,” ani Manzano.
Umaasa rin umano silang sa pamamagitan ng RSTW ay matutukan ang walo sa 17 sustainable goals gaya ng ‘No Poverty’ na nakaangkla sa mithiing kailangang magkaroon ng inclusive economic growth sa pamamagitan ng pagbibigay ng sustinableng trabaho at makapaghihikayat ng pagkakapantay-pantay.
Masaya rin niyang ibinahagi na bumaba ang poverty rate ng bansa base sa isang pag-aaral ng World Middle Income Poverty Line na mula 26 porsiyento noong 2015 ay bumaba na lamang sa 21.8 percent ngayong 2019.
Maliban naman kay Usec. Mazano na kumatawang muli sa kalihim ng DOST sa press conference na isinagawa bandang hapon, kasabay ng opening day ng RSTW, ay present din sina Regional Dir. Josefina Abilay, DOST-Technology Application and Promotion Institute Director, Engr. Edgar Garcia; PSHS Mimaropa Director Edward Albaracin, DOST-STII Director Richard Burgos at DOST-NAST Executive Director, Dr. Luningning Samarita-Domingo.
Sa kabilang dako, sa panayam ng Palawan Daily News (PDN) sa Grade 10 student ng Philippine Science High School (PSHS) na si Aaron Magayam na isa sa mga mag-aaral na kasama sa kanilang exhibit, ibinahagi niya ang ilang karanasan kung paanong nagbago umano ang ilang aspeto ng kanyang buhay buhat nang makapasok sa prestihiyosong pampublikong paaralang pangsekundarya ng Pilipinas na nakatutok sa paghubog sa kaalaman ng isang kabataan sa agham at teknolohiya.
“Ang maganda lang po sa Philippine Science High School ay mape-prepare ka po talaga for STEM (Science, technology, engineering and Mathematics) kasi naka-focus po talaga sa STEM [ang pagtuturo ng school],” ani Magayam.
Masaya rin niyang ibinalita na siya, kasama ang mga kapwa niya mag-aaral ng PSHS at ang tatlo ring kabataan bahat sa lalawigan ng bagamat hindi na sumama sa exhibit sa siyudad, na maliban sa karangalan ay nakatanggap pa sila ng scholarship dahil libre ang kanilang twisyon at may monthly allowance pang P40,000.
Wala rin umano silang ginagastos kapag lumalahok sa mga kompetisyon kagaya ng sinalihan niya kamakailan na Regional Chemistry Olympiad sa UPLB at maging ang pagpunta nila sa Palawan.
ADVANCE NA PAGTUTURO
“Sa science po kasi, maganda po ‘yung mga activities ang pinagawa, hindi lang po spoon-feeding ang ginagawang [pagtuturo sa amin]….May mga materials po kami, for examples may lab experiment po talaga kaming gagawin. Kami po muna ang mag-a-analyze bago sasabihin sa amin ang answer; so mas nakaka-absorb kami. Tapos sa Math, ganon din po. Since Grade 7, sa Science namin, nag-i-SIP na po kami o Science Investigatory Project para po pag Grade 10 [namin], official subject na po ‘yung Research,” dagdag pa niya.
Ang PSHS o kilala sa bansag na “Pisay” na naitayo noong Hunyo 22, 1963 ay mayroon ng 16 campuses sa buong Pilipinas na ang pangrehiyong sentro sa Mimaropa ay makikita sa probinsiya ng Romblon.
Ayon pa sa estudyanteng si Magayam, pagpasok ng mga junior high school completers sa Senior High School ay bawal na rin silang umalis sa Pisay at sa halip ay doon pa rin sila magpapatuloy ng kasunod na dalawang taon sa sekondarya at pagpipiliin ang tatlong Core Subjects gaya ng Physics, Biology at Chemistry.
Balak naman umano niyang kunin ang Chemistry.
NAKATULONG SA PERSONAL NA PAG-UNLAD
Ikinuwento pa niyang simula nang nag-aral siya sa PSHS mula Grade 7 ay mas nakilala umano niya ang kanyang sarili, nagkaroon ng time management, at mas natutong makapaghalubilo sa kapwa dahil mas marami siyang nakilalang tao sa tuwing nakasasali sa iba’t ibang kompetisyon.
“Mas organize din po ako ngayon sa buhay ko kasi nga po sa mga requirements po namin, ganun. Tapos sa Pisay, naka-dorm kami, family talaga ang turingan namin,” dagdag pa niya.
Aminado mang mahirap makapasok sa kanilang eskwelahan dahil hindi ganoon kadali ang entrance exam at kaunti lamang ang pinapalad, ngunit ang maganda lamang umano kapag nakatapos sa sekondarya sa Pisay ay awtomatiko nang naka-apply sa UPCAT at marami ring mga eskwelahan ang kumukuha sa kanila, bagamat ang kadalasan aniya ay ang Unibersidad ng Pilipinas.
PAYO
“Wag po matakot na mawalan ng honor, kasi mostly po, ganon po talaga ang mga bata, kung pumunta sila ng Pisay, natatakot sila na mawalan po ‘yung honor. Think of it na lang na once na pumasok ka rito, you are one of the best people in the Philippines kasi nakapasa ka. Sa amin din po, walang ranking because we promote equality, lahat po kami ay mayroong eight unique talents,” ang mensahe naman ni Magayam sa mga kapwa niya kabataan.
Sa espesyal na kurikulum ng nasabing paaralan, wala aniyang nakasanayang Top 10 sa klase at tanging Director’s list lamang kung ang general weighted average ay aabot mula 1.49 pataas.
“I can’t say that it is easy. Mahirap po pero worth it naman po kasi nahahasa po talaga ang mga abilities mo. For example po, ako po, nung elementary ako, wala talaga akong sinasalihang competition kasi palaging Top 10 ‘yung kinukuha. Eh! ako naman, [nasa] Top 10 naman pero hindi po talaga ganoon ka aktibo, nang pumunta po akong Pisay, marami na akong competition [na nasalihan] at ang iba napanalunan ko naman,” masaya pa niyang pagbabahagi.