Police Report

8 anyos na bata hinalay ng kaniyang amain

By Gilbert Basio

December 27, 2020

Personal na tumungo sa himpilan ng Philippine National Police (PNP) ang 8 anyos na batang babae kasama ang ina nito para ireklamo ang ginawang panghahalay ng kaniyang amain na naganap noong Miyerkules, Disyembre 23, alas 10:00 ng gabi sa kanilang bahay.

Base sa spot report, ang suspek ay 34 anyos, tricycle driver at residente ng Lungsod ng Puerto Princesa.

Ayon sa imbestigasyon, nakita ng ina ng biktima na may mantsa ng dugo ang kanilang kobre-kama at nang tanungin ang bata ay dito niya inamin ang ginawang pang-aabuso ng kanyang amain. Napag-alaman na nasa impluwensya ng alak o lasing ang suspek nang pagsamantalahan ang biktima.

Samantala sa follow-up operation ng PNP ay agad nahuli ang suspek na ngayon ay nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 8353 (Statutory Rape) in Relation to R. A. 7610 o Child Abuse.