PUERTO PRINCESA CITY — Nakakuha ng ekslusibong video ang Palawan Daily News at dito makikita na ang tricycle na sinakyan ng batang nagahasa ay iba sa tricycle ng naarestong suspek.
Itim ang kulay ng tricycle na ginamit sa panggagahasa at itim din ang nakunan ng CCTV camera na sinakyan ng biktima subalit iba ang salamin nito sa kanang bahagi, at magkaiba din ang disenyo sa likod ng nasabing tricycle kasama ang ilaw at rubber matt guard nito.
Kinilalang suspek si Alfredo Sacramento Magtubo, 31 na taong gulang, may asawa at anak, at residente ng Hagedorn Road, Barangay San Pedro, Puerto Princesa City na ngayon ay nasa piitan ng Puerto Princesa City Police Station sa Barangay San Pedro.
Ang bahay ni Magtubo ay ilang metro lamang ang layo sa Clark Ville Eco-Camp na kung saan nangyari ang panggaghasa. Todo tanggi ang naarestong suspetsado at mariing sinasabi nito na siya ay inonsente sa nangyaring panggahasa.
Batay sa pananaliksik ng Palawan Daily News, noong Lunes ng gabi, Agosto 6, nasira ang motorsiklo ni Magtubo at bumili siya ng clutch sa isang tindahan sa harap ng A&A Hotel subalit hindi nya na ito maayos dahil mali ang nabili niyang clutch. Binalik niya ito noong Martes, Agosto 7, para maisayos niya ang motorsiklo.
Ito ay kinompirma ng bantay ng tindahan at humiling na lamang na itago ang kanyang pangalan.
Sa makatuwid, ang itim na tricycle ay nakaparada lamang sa loob ng bahay nito kasama ang isa pang tricycle noong umaga ng Martes na kung saan nangyari ang nasabing panggagahasa.
Ekslusibo ding nakapanayam ng Palawan Daily News ang isang testigo na mamang nakasagip sa batang babae pagkatapos na ito ay nagahasa.
Ayon sa kay Jose Mario Baldosano, 46, tricycle driver, at naninirahan din malapit sa bahay ni Magtubo, mga pasado alas singko ng umaga ng Martes, Agosto 7, nakita nito ang nasabing itim na tricycle na dumaan sa harap ng kanilang bahay patungo sa Wescom Road, at pagkatapos ng ilang minutos, bumalik ito papuntang Libis na direksyon.
“Narinig ko na mayroong humagulgol… Tiningnan ko tapos natahimik [ang bata]; nahiya ang bata… Tinawag niya ako, ‘kuya, kuya, may tricycle ka po? Pakihatid naman po ako sa amin.’ Tinanong ko sya kung ano nangyari, pero sagot niya, ‘sige lang kuya, hatid niyo lang po ako.’ Pero takot na takot talaga siya,” kwento ni Baldosano.
Dagdag pa ni Baldosando na habang nasa daan sila para ihatid niya ang bata sa kanilang bahay, nagkuwento na ito sa kanya. “Pagdaan namin sa banda ng Clark Ville sinabi ng bata na dinala daw siya doon ng tricycle driver para magkuha ng pasahero. Pagdating doon ginahasa siya at tinutukan sya ng kutsilyo.”
Kinompirma ni Baldosano na nakita nya sa bahay ni Magtubo na naroroon ang tricyle na itim nakaparada kasama ang isa pang tricycle.
Ayon naman kay Boy Villacampa, 48 years old, kasamahang drayber ni Alfredo, nagulat ito nang dinakip si Magtubo.
“Para sa akin, hindi niya kayang gawin iyon – ang mga pinagbibintang sa kanya. Mabait na tao yan… Kaya noong mabalitaan ko na ganoon, mukhang hindi naman kapani-paniwala. Sa pag-uugali talaga niya hindi talaga nya magawa ang mga binibintang sa kanya. Malayong malayo sa pag-uugali niya,” tugon ni Villacampa.
Ayon sa tiyahin ng suspek na si Joena Magtubo Calimbo, 54 na taong gulang, balak nila humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation para maimbestigahan muli ang kaso dahil sila naniniwala na walang kinalaman ang kanyang pamangkin.
Sa pahayag ni Police Chief Inspector Mark Allen Palacio sa Palawan Daily News, “Ang pinagbabasehan kasi naming dito na e-file ang case is ‘yong testimonya mismo ng biktima. Walang ibang mas matitibay doon kung ‘di yung testimonya ng biktima. Pwede din kasi sa tricycle o ibang tricycle ang gamit. Pero ang nang rape ang tao pa rin. Ang biktima kinonfirm niya rin ang nang rape sa kaniya.”
“Wala namang iba na pwedeng magturo at gaganon… tapos ibang tao ang ituturo niya,” dadag ni Police Chief Inspector Palacio.
Dagdag pa nito na wala namang problema para sa kanila na mayroong ibang ahensya ng gobyerno na tutulong para sa paglutas ng kaso (HCC/PDN).