Nagpakitang-gilas ang 24 na nagagandahang mga kalahok sa Miss Palawan 2021 sa isinagawang final screening kahapon, Nobyembre 30.
Nagtagisan ng galing ang mga kandidata, edad 18-26 na mula pa sa iba’t ibang munisipyo ng Lalawigan ng Palawan at mga barangay ng Puerto Princesa City, sa pagsagot ng mga katanungan ng mga huradong mula sa iba’t ibang larangan, kabilang na ang Palawan Daily News.
Sa ikatlong taon ng Miss Palawan, ngayong taon unang nagsagawa ng pagtatanong sa isang kandidata online dahil naka-quarantine sa isang quarantine facility ng lungsod, bilang protocol ngayong panahon ng pandemya. Mayroon din sanang ilang kandidata na kasalukuyang naka-quarantine sa kanilang mga munisipyo ang isasalang sa Question and Answer portion gamit ang video-conferencing pero hindi sila nakapasok dahil sa mahinang signal.
Ayon naman sa president at CEO ng Miss Palawan Charities, Inc. na si Bong Villanueva, gaganapin ang Grand Coronation Night sa unang linggo ng Pebrero 2021 at ang mag-uuwi ng korona ang siyang kakatawan sa Palawan sa Miss Universe Philippines na magaganap naman sa ikalawang kwarter ng 2021.
Ngayong buwan ay aasahang sunod-sunod na rin umano ang mga aktibidad ng mga kandidata.
“They [will] have their activities…soon like ‘yong gift-giving nila…. So, marami silang activities—nakaplano na po lahat,” ani Villanueva.
“Kung ano ang standard ng Miss Universe PH, ‘yon ang guidelines na susundin natin,” dagdag pa niya na gaya na lamang umano na bawal lumahok ang mga mayroon ng asawa, anak, o anumang problema kaugnay sa panganganak o pagkakaroon ng anak gaya ng nakunan o nagpalaglag ng sanggol.
Sa kabilang dako, tiniyak naman ng pamunuan na maliban sa korona ay mas malalaking cash prizes at mga surpresa ang maiuuwi ng mga magwawagi.
Sa ngayon ay hindi muna pumili ang mga hurado at ang management ng “the best candidate” para sa partikular na munisipyong nagpadala ng dobleng kinatawan dahil hindi pa natatanong ang lahat ng kalahok kaya magkakaroon muli sila ng deliberation para rito. Ang mga munisipyong nagpadala ng higit pa sa isang kalahok ay ang Taytay, Aborlan, Quezon, Narra, at maging ang Lungsod ng Puerto Princesa.
“Ang objective natin dito ay may mai-present tayo roon sa national level. Secondly, ay ang advocacy natin na to help ‘yong mga beauty queen natin dito to represent Palawan. Thirdly is, of course promotion ng Palawan kasi sayang din, then, of course, ‘yong mga AIDS victims natin [nais nating matulungan], [and]… the indigenous peoples,” ayon pa kay Villanueva.