Nasa kustidiya pa rin ngayon ng pulisya ang dalawang suspek na sina Caermelita Bernate at Lizel Ramos na naaresto noong Sabado ng madaling araw sa Block 4 ng Purok East Wood, Barangay San Pedro, Puerto Princesa City matapos isilbi ng PDEA Palawan at PS1 ang search warrant laban kay Carmelite Bernate.
Si Bernate ay kabilang sa high value target ng PDEA dahil sa ito umano ang isa sa mga sources ng droga na pinapakalat dito sa lungsod.
Ang suspek na si Bernate din ang tinuturong pinagkukunan ng droga ni Jeffrey Orbiso, ang napatay sa buy-bust operation ng Police Station 1 sa Barangay Santa Monica, matapos umanong manlaban sa mga pulis.
Ayon sa PDEA Palawan, maingat si Bernate sa pagbibitaw ng droga kaya halos tatlong buwan ang kanilang ginawang surveillance sa kaniya.
“Halos 3 months din yung ginawa nating pag monitor dito. Nakailang palubog na kami ng asset sa kanya and test buy na rin, so we are so sure sa lakad na ito,” saad ng isang PDEA Agent sa panayam sa media.
Pero ganun pa man, mariin pa rin ang pagtanggi ni Bernate na sa kanya ang anim na pakete ng shabu na nakuha ng PDEA sa bahay nito. Matagal na raw itong nagbagong buhay at tumigil na sa ganitong gawain.
Nanindigan ang suspek na inosente sya sa nasabing paratang sa kanya.
“Hindi po sa akin yan, sir, Wala akong alam diyan. Matagal na akong nagbago, tapos ngayon may ganyan pa, ” paliwanag ni Bernate.
Samantala, kasong paglabag sa RA 9165 ang inihanda laban sa dalawang suspek.