Puerto Princesa City

Ilang nitso sa PPC Public Cemetery, nabagsakan ng puno

By Gilbert Basio

October 29, 2020

Basag ang dalawang nitso habang ilan pang mga katabi nito ang nadaganan ng natumbang puno ng Talisay sa kasagsagan ng bagyong Quinta noong Martes, October 27, 2020 sa Puerto Princesa City Public Cemetery.

Ayon kay Gerry Tabang, tagapangalaga ng nasabing sementeryo, hindi pa nya ito maayos dahil kailangang hintayin ang desisyon ng pamilya bago galawin ang dalawang nitso upang maiwasan ang nangyari sa kanya noon kung saan kinasuhan siya ng pamilya nang may ayusin siyang puntod.

“Durog [ang] dalawang nitso. Magkapatong ‘yan. Hindi ako pwede makialam hangga’t walang pahintulot ng pamilya. Nadala na kasi ako noon na kinasuhan ako ng pamilya,” pahayag ni Tabang.

Hanggang ngayon ay hinihintay parin ni Tabang ang Kilos Agad Action Center o KAAC para tuluyan ng matanggal ang nabuwal na puno.

“27 pa lang na-request ko na ‘yan sa city kaso hindi pa dumadating ang KAAC,” dagdag pa ni Tabang.

Samantala, ngayong araw ng Huwebes, October 29, 2020 ang simula na hindi muna papayagang makapasok sa sementeryo hanggang November 4, 2020 bilang pagtalima sa kautusan ng Inter-Agency Task Force na pagsasara ng mga lahat ng pribado at pampublikong sementeryo sa bansa.