Kamustahan sa MIMAROPA ng DepEd-MIMAROPA> Photo by Diana Ross Cetenta/Palawan Daily News

Education

Kauna-unahang ‘Kamustahan sa MIMAROPA’ ng DepEd-MIMAROPA, idinaos sa Palawan

By Diana Ross Medrina Cetenta

December 05, 2019

Upang magkaroon ng mas magandang ugnayan ay nagsagawa ng “Kamustahan sa Mimaropa Conversations with our Media Partners” ang Department of Education-Mimaropa noong ika-2 ng Disyembre na unang isinagawa sa Palawan at dinaluhan naman ng mga lokal na mamamahayag.

Dumating at personal na ipinaliwanag ng tagapagsalita at chief ng Public Affairs Unit ng DepEd Mimaropa Region na si Bb. Sherelyn Laquindanum ang mga communications protocol pagdating sa pagsagot nila sa mga isyu, gayundin sa mga batas na kinakailangan nilang isaalang-alang bago tumugon sa mga katanungan ng press.

Sa inihandang powerpoint presentation, ipinaliwanag ng panauhin na layunin nitong palakasin pa at ipalaganap ang mithiin ng Kagawaran ukol sa mga inisyatibong pangkomunikasyon at ang isinasagawa nilang information advocacy.

Pokus ng pag-uusap ay kung paano mapalalakas ang partnership at ang public relations sa pagitan ng Deped at ng mga lokal na mga mamahayag sa lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan, talakayin at magkasundo ukol sa mga limitasyon at mga panuntunan sa pagitan ng DepEd at ng kanilang media partners at magkaroon ng awareness ang publiko ukol sa mga kasalukuyang mga  programa, mga proyekto at mga aktibidad na ipinatutupad ng Kagawaran ng edukasyon sa buong rehiyon, sa lalawigan, at sa mga eskwelahan upang matugunan ang mga isyu at problema.

Ipinaliwanag ni DepEd Regional Information Officer Laquindanum na mayroon silang tinatawag na channels of communication na kung saan, ang sinusunod nilang patakaran bago sumagot sa mga isyu ay mauuna munang magpapababa ng pahayag o desisyon ang Central office saka bababa sa Regional Office, sunod sa Schools Division Office, sa mga District Office bago pa sa mga paaralan. Inihalimbawa nila ang naganap na agarang pagpapaabot ng isyu sa media host na si Raffy  Tulfo laban sa isang public school teacher na kung saan ay agad siyang binatikos ng nasabing komentarista at hiniling pang mag-resign sa trabaho nang hindi pa lubos na naririnig ang kanyang panig.

Aniya, sakop ng nabanggit na panuntunan kung nagre-request ng impormasyon, nagsusumiti ng reports, naghahain ng reklamo, nagsusumit ng incident reports at kapag humihingi ng approval at kasagutan sa mga katanungan at complaints.

Binigyang-diin pa ng opisyal na dalawa ang protocols na mahigpit nilang sinusunod pagdating sa pag-request ng impormasyon at ang mga ito ay ang RA 10173 o ang “Data Privacy Act of 2012” at ang EO No. 2, s. 2016 o ang “Freedom of information.” Ipinaliwanag ni Laquindanum na kung magkakaroon ng conflict sa dalawa, ang masusunod ay ang pambansang batas kumpara sa isang executive order lamang ng Pangulo.

Aniya, ang protocols sa pagpapaunlak ng interbyu ay sa pamamagitan ng written request na ipadadala sa head of office para sa pagpayag at may kalakip ng mga katanungan. Sa live interview naman, sa radyo man o telebisyon ay kailangang i-brief nang maayos ang interviewee ukol sa mga katanungang ibabato. Siya ay maaaring sasagot o hindi sa isang katanungan kung maglalagay ito sa kanilang organisasyon sa alanganin o kompromiso. Ang ganoong sitwasyon ay hawig naman sa itinuturo sa paaralan sa mga estudyanteng kumukuha ng kursong Communication na ipaalam muna sa mga kakapanayamin ang mga katanungan at sasabihin muna na ilalagay siya sa live interview bago isagawa kung pag-uusapan ang ethics sa trabaho.

Ipinagbabawal naman ng Deped ang talakayan kung hinggil sa detalye ng mga kasong ligal dahil makaaapekto ito sa gumugulong ng imbestigasyon. Ang ganitong panuntunan ay inoobserba rin ng mga may alam sa batas upang maiwasan ang paglabag sa subjudice rule at upang maiwasan ang ma-contempt of court.

Mariin din nilang ipinaalaala sa press na may batas na nagpoprotekta sa mga bata na nakasaad sa child protection policy kaya lubos na ipinagbabawal ang pakikipagpanayam sa kanila kung ang mga itatanong ay tungkol sa mga di magagandang pangyayari at kaso.

“The division information officer is the bridge between DepEd and our media partners. Any request that pertains to DepEd may be coursed through them. However, not all information may be provided, especially those that are bound by law, and are deemed confidential,” ang bahagi pa ng power point presentation ni Laquindanum.

Ayon pa sa public information officer ng Kagawaran, sa paggamit ng social media ay sundan lamang ang kanilang mga official social media pages gaya ng DepEd Tayo, na kung sa lalawigan at lungsod ay DepEd Tayo-Palawan at DepEd Tayo-Puerto Princesa City.

Samantala, pagkatapos na maidaos sa lalawigan ng Palawan, sunod na isinagawa ang similar na aktibidad sa Rombon, sa Occidental Mindoro, at Marinduque. Target umano nilang maikot ang buong Rehiyon ng Mimaropa bago magtapos ang taon o sa loob lamang ng buwang kasalukuyan.