Contributed photos

City News

Lalaking motorista na sumalpok sa Navarra, nasa ospital pa rin

By Palawan Daily News

July 16, 2019

Nasa loob pa ngayon ng isang bahay-pagamutan ang isang motorista pagkatapos na ito diumano’y sumalpok sa isang sasakyan nitong Hulyo 12, mga bandang alas-9:00 ng gabi sa harap ng isang mall sa Malvar Street.

Nakilala ang motoristang si Rocky Paigma, 18, at residente ng Bancao-bancao, Puerto Princesa City na nagmamaneho ng isang motor na Honda Beat na kulay puti.

Sa ekslusibong panayam ng Palawan Daily News sa tatay ng biktima na si Ricky Paigma, sinabi nito na siya ay nabigla at nanlumo sa nangyari, “Single parent po ako at di ko po lubos akalain na mangyari ito sa anak ko.”

Dagdag nito, “Nanyerbyos po ako nung nalaman ko at ate ko nalang po pina-assist ko. Alas sais na ng umaga ako pumunta kasi di ko kakayaning makita ang kalagayan ng anak ko. Dinuro po niya [ang drayber ng sasakyan] ang isa kong anak at sabay sabi na ‘pagbayaran niyo to ang sira sa sasakyan ko.’”

Dinala sa Ospital ng Palawan si Paigma pagkatapos na nagresponde ang mga otoridad at ang Kilos Agad Action Center o KAAC.

Ayon sa pahayag ng pamilya ng biktima, nagtamo ng sugat sa mukha at sa bibig nito, pati na din sa kaliwang balikat nito. Sumailalim din sa CT scan ang biktima.

Sa isang Facebook Post ni MG Graciiana na nakasaksi sa aksidente, sinabi nito na “Dahil sa aksidente na to hindi ako naka tulog ng maayos. Actual ko nasaksihan ang pangyayari. Kawawa nman ‘yung driver ng motor tinulungan talaga ni kuya driver ng pick-up na malagutan ng buhay. Bumaba nga siya sa sasakyan niya akala ko tutulungan niya ‘yung biktima ‘yun pala tinulak niya pa mismo ‘yung sasakyan niya para magulungan niya pa. Kita[ng] kita ko kung paano umangat ‘yung paa ng biktima habang ginugulungan.”

Pinabulaan naman ito ng imbestigador ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Station 1.

Ayon kay PCMS Jonathan Parangue, hindi totoong ginulungan ng drayber ng sasakyan ang biktima. “Wala namang nakakita. Wala namang witness. Sabi ng drayber, inabante nya lang ng konti ang sasakyan at inayos nya lang para mailabas sya, ma rescue ng anti-crime para marapatan ng konting lunas.”

Dagdag pa ni Parangue na kung nagulungan ang biktima, posibleng magkaroon pa ito ng mga fractures sa katawan.

Ayon din sa report ng imbestigador, ang drayber ng sasakyan na Navarra ay nag u-turn sa harap ng SM Puerto Princesa City at di raw nito nakita na may parating na motorsiklo.

“Nakainom po ang drayber ng motorsiklo, walang helmet at walang lisensya,” dagdag ni Parangue.

Saad ng ama ng biktima, mag-uusap sila kasama ang drayber ng sasakyan para ma resolba ang problema ng bawat panig. Bumisita din umano ang drayber sa ospital.

“Sa labas po [ng ospital] maniningil ng damage. Tinatanong kung okay na anak ko. Basta sa kaniya yung babayaran ko ang damage niya. Na damage ng anak ko sa sasakyan niya. ‘Yun lang po ang concern niya.”

Dagdag nito na, “May dala po agad ng attorney. Mabait din po ang attorney at sabi ko sa Monday nalang kami mag usap Iniisip nila na baka takbuhan ko daw ang sasakyan nila na hindi babayaran. Sabi ko, ‘Attorney, walang wala din po ako kasi single parent po ako, apat anak ko.’”

Ayon din sa tatay ng biktima, pangarap ni Rocky na maging police.

“Gusto niya po mag police. Mag-aral po sa WPU. Sa August pa pasokan nila. Di pa po sya naka enroll. Sabi ko pagaling muna siya.”

Sa nais tumulong sa pagpagamot kay Rocky Paigma, makipag ugnayan lamang sa kanila sa Ospital ng Palawan.

Bukas din ang Palawan Daily News sa panig ng drayber ng Navarra upang ilahad ang nangyaring aksidente.