Hinamon ng ilang mga mamamayan ang mga opisyal ng 5 barangay na isinalalim sa Enhanced Community Quarantine na ipakita sa publiko ang mga pangalan na binigyan umano ng P2,200 na ayuda mula sa Pamahalaang Panlungsod.
Ayon kay Angel ng Barangay San Pedro, kailangan ilabas ang listahan para mawala ang agam-agam ng ilan at sana mayroon ding hotline na puwedeng tawagan para sumagot sa mga katanungan ng kanilang nasasakupan.
“Oo, payag na ilabas ang listahan ng, para Makita talaga ng tao kung kasama totoo ang listahan, for the sake of transparency, sana maglagay ng hotline para kung saan puwede lumapit ang tao na hindi natanggap ng ayuda,”
Ito rin ang hiling ni Mang Silvester mula sa Barangay San Manuel, na sana umano ay mayroong patotoo o ebidensya sa pamamahagi ng pera gaya ng larawan.
“Hindi lang ilabas dapat nga may mga evidence pa, liban sa listahan dapat mayroong picturan lahat ng mga nabigyan ng ayuda.”
Maging sa social media ay mainit na pinag-uusapan ang pamamahagi ng ayuda at maging sa pagpili ng bibigyan nito sa mga naka-ECQ sa mga barangay na kinabibilangan ng Barangay San Miguel, San Pedro, San Manuel, San Jose at Barangay Sta. Monica.
Nagbabala naman ang isang konsehal sa kanyang post sa social media sa mga opisyal ng mga nabanggit na barangay. Aniya dapat ipagkaloob ang ayuda sa kanilang nasasakupan at huwag itong bawasan.
“Kap, huwag na po nating chukchakin ang Bagong binigay na ayuda ha! . Maawa naman po kayo. Naghihirap na ang mga tao, pinag-iinteresan mo pa po. At sa Isa pang Kap, Kap, remind Lang po ha.. P2, 200 po ang pinabibigay ni Mayor Bayron na ayuda, Hindi po P2, 100…P2,200 po talaga promise,” bahagi ng post ni City Councilor Elgin Damasco.
Samantala sinubukan naman ng News Team na makuha ang panig ng mga opisyal sa 5 barangay subalit wala pang tumutugon sa tawag, chat at text namin, kaugnay nito bukas naman ang Palawan Daily News para sa sagot ng mga opisyal sa nasabing usapin.
Batay sa inilabas ng Office of the City Planning and Development Coordinators, 5, 737 ang dapat mabigyan ng P2,200 kada household sa Barangay San Miguel, 6,449 sa Barangay San Pedro, 3,652 sa Barangay San Manuel, 5, 116 sa Barangay San Jose at 5,867 naman sa Barangay Sta. Monica.