Bilang bahagi ng pagpapaigting ng kampanya laban sa ilegal na droga, ngayong buwan pa lamang ng Enero ay sinimulan na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Mimaropa ang Random K9 Panelling and Sweeping sa main hub ng isa sa mga courier services sa lungsod.
Ang Narcotics Detection Dog (NDD), bagama’t orihinal na nakatalaga sa Puerto Princesa City International Airport ay ilang taon na ring ginagamit ng ahensiya upang alamin kung ang mga natatanggap na padala ng mga courier services ay may lamang droga o wala.
Sa nasabing operasyon na isinagawa ng PDEA Airport Interdiction Unit na pinangunahan ni Agent Barreto, ay ipinaamoy sa aso ang mga package ng JRS Express na naging negatibo naman ang resulta.
Sa phone interview ng Palawan Daily News (PDN) kay outgoing PDEA Regional Director Mario Ramos, wala namang bulagaang naganap sapagkat bago isinasagawa ang nasabing operasyon ay may paunang maayos na pakikipag-ugnayan sa pamunuan bagamat hindi ipinaaalam sa kanila ang partikular na petsa at oras.
Sa hiwalay na panayam kay Agent Barreto, binanggit niyang ilang taon na rin nilang ginagawa ang nasabing operasyon.
“Parang normal operation na ng PDEA ito sa Puerto Princesa City para mapigilan o masakote natin ang mga nagpapadala [ng iligal na droga] sa mga courier services [dito],” aniya.
Dagdag pa niya, ipinaaamoy sa NDD ang mga bagahe o package upang “kung nag-positive, pwede nating ipa-verify.”
“Simula nang magkaroon ng capability ang PDEA, nagkaroon tayo ng [dalawang] K9 Narcotics Detection Dogs, ay nagsasagawa na kami ng ganyan [na mga operasyon],” aniya.
Matatandaang sa nagdaang mga taon ay ginagamit na ang mga courier services upang maipadala ang droga sa iba’t ibang lugar. Sa katunayan umano ay may nasampahan na ng kaso sa lungsod at lalawigan dahil dito na malinaw na paglabag sa section 11 o “possession of illegal drugs” ng RA 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act.”
Ngayon taong 2020, target ng ahensiya na mas mapaigting pa ang kampanya kontra droga at madeklarang drug cleared ang natitira pang mga barangay at munisipyo sa lalawigan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa.
Patuloy naman ang panawagan ng PDEA sa kooperasyon ng mga mamamayan sa kanilang mga hakbang upang tuluyang masugpo ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot. Iginiit ng ahensiya, na gaya ng palagian nilang sinasabi na hindi ito kaya ng gobyerno lamang bagkus, napakahalaga ng pagtutulungan at pakikiisa ng pamayanan sa ikatatagumpay nito.