Itinuturong kakulangan sa sapat na mga papeles ang dahilan ng pagkaantala ng ilang buwang sahod ng mga manggagawang kontraktuwal sa kapitolyo, ayon sa opisyal na pahayag ng pamunuan sa pamamagitan ng Palawan Provincial Information Office (PIO) Lunes, Enero 24.
“Batay sa ginawang pananaliksik ng PIO, nagpag-alaman na ang ddahilan nito ay ang kakulangan ng mga sapat na dokumento tulad ng Daily Time Record o DTR at Accomplishment Report at iba pa, kung kaya’t naantala ang mabilis na pagproseso ng pasahod sa mga empleyado,” ayon sa pahayag ng PIO.
Ipinaalam din ng PIO, base sa pinakahuling impormasyong natanggap ng kanilang opisina, natanggap na rin umano ng mga empleyadong kontraktuwal ng Pamahalaang Panlalawigan ang kanilang mga sahod para sa mga buwan ng Hunyo hanggang Nobyembre 2021.
Subalit, isang source naman ng Palawan Daily na piniling huwag nang magpakilala at kasalukuyang nagtatrabaho sa kapitolyo ang nagsabing wala pa umanong pondo ang nasabing pasahod mula ng buwan ng Hunyo hanggang Nobyembre 2021, taliwas sa pahayag ng pamahalaang panlalawigan.
“Kaya pala, ‘yung gali ng sa taas na pondo wala pa ‘yung June to December,” ayon sa source.
Dagdag niya, wala pa rin magpa-hanggang sa ngayon ang bonus na sana’y natanggap na ng mga nasabing manggagawa noong nakaraan pang Disyembre.
“Christmas bonus na dapat December pa natanggap, wala pa rin hanggang ngayon. Grabeng tagal ng process nila. Pare-pareho sila. Ang tagal mag audit ng papel ng isang opisina, tapos pag nilipat na naman sa ibang opisina matatagalan na naman doon,” dagdag niya.
Sinabi rin nito na kanilang minomonitor ang mga sahod at requests sa pamamagitan ng PGPIS App ng Pamahalaang Panlalawigan kaya’t hindi malabong malaman nila ang tunay na estado ng kanilang mga papeles habang ito ay pinoproseso.
Sa huli ay nakiusap ang source na mabilisan na sana umano ang proseso ng mga papeles upang makasahod na ang kagaya niyang kontraktuwal na empleyado.
“Sana ma-expedite na. Maramdaman sana nila na kailangan na namin. Utang na lang ng utang, kapag ‘yan natanggap naming sigurado ibabayad lang din naman sa utang,” anya.