Business

Pagtalakay sa ‘over costing’ ng fuel sa Palawan kasama ang DOE, oil players, ikinasa na sa susunod na linggo

By Diana Ross Medrina Cetenta

January 09, 2020

Naitakda na sa susunod na linggo ang pagpapatawag ng Sangguniang Panlalawigan sa Department of Energy (DOE) at oil players sa probinsiya ukol sa isyung mataas ang bentahan ng mga produktong petrolyo sa Palawan.

Ito ang kinumpirma ni Committee on Energy Chairman Board Member Ryan Maminta sa one-on-one interview ng Palawan Daily News (PDN) matapos ang kanilang regular na sesyon, Enero 7.

Kaya ngayong linggo ay padadalhan na nila ng liham ang ahensiya, partikularly ang Oil Industry Management Bureau ukol sa katanungan ng Provincial Board sa umano’y “over costing” ng fuel products sa lalawigan.

“We hope na ang gagawing inquiry ng Sangguniang Panlalawigan will lead to information and justification at malaman talaga natin kung tama ang pagpepresyo kasi ‘yun ang kulang eh. So, we will rely on the experts from the DOE and of course iimbitahan natin ang mga oil players dito sa province para ma-appreciate naman natin kung ano ang ginagawa nila,” pahayag ni Maminta.

Matatandaang mainit na pinag-usapan ang nasabing isyu noong nakaraang taon simula nang inanunsiyo ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na napakamahal ng presyo ng fuel sa Palawan kumpara sa ibang lugar sa Mimaropa Region.

Ngunit matapos na lumiham sa DOE noong huling kwarter ng 2019 upang magkaroon ng update sa resulta ng ginawang imbestigasyon ng ahensiya, ani Maminta, hanggang ngayon ay wala pa rin silang ibinibigay na katugunan.

 

RASON NG PAGPAPATAWAG

“Ang pinaka-goal natin dito is to be informed and to be knowledgeable doon sa sistema ng pagpepresyo. At kapag nakuha na natin doon, we can conclude kung tama o mali, kung fair ba [ang presyo ng langis] para sa ating mga consumer [sa Palawan],” paliwanag ni Maminta sa nakatakdang talakayan.

Sa tiningnan umano niyang pormula ng DOE ukol sa oil pricing na nakapaskil sa kanilang website, aniya, “sa plain view, mataas talaga [ang halaga ng mga produktong petrolyo sa lalawigan].”

“Alam natin na ang industriyang ‘yan ay deregulated pero hindi naman dapat overpriced ang costing ng fuel kundi fair and justifiable base doon sa formula ng Department of Energy,” giit niya.

Dagdag pa ni BM Maminta, kung ikukumpara ang oil price sa Palawan at kalapit na lugar ay di hawak na nangunguna sa lalawigan.

“If you compare the pricing in the province of Palawan, with respect to Mimaropa and Region VI, ‘yung Panay Region, mas mataas talaga tayo ng more or less P5,” aniya.

At kung mataas umano ang presyo ng langis sa lungsod ng Puerto Princesa ay mas tumataas pa ito pagdating sa Aborlan, sa Narra na aabot sa .50 o P1 at mas tumataas pa pagdating sa Bayan ng Brooke’s Point at iba pang munisipyo sa sur, ganoon din sa northern part ng Palawan.

 

EPEKTO SA SIMPLENG MAMAMAYAN

“[Kahit] P1, P2, P3 [lamang na pagtaas], malaking epekto [na ‘yan] sa buhay ng mga ordinaryong Palawenyo. Malaking impact kasi ‘yung mga mangingsida, mga magsasaka, mga laborer at ‘yung mga maliliit na negosyo, naka-rely doon, lalo na sa mga munisipyo. Kasi ‘yung mga transport cost ng mga bilihin, ng mga agricultural product, ikakarga rin ‘yun doon. So, apektado ‘yung mga kababayan natin. So, dapat magkaraoon tayo ng konklusyon talaga rito,” ayon pa sa bokal.

Ipinag-alaala pa niya ang nagaganap na tensyon ngayon sa pagitan ng US at bansang Iran na isa sa mga oil producing country sa mundo na malaking posibilidad na magiging sanhi ng pagsipa pa sa presyo ng mga produktong petrolyo.

 

REAKSYON

Sa kabilang dako, nagbigay naman ng reaksyon si Maminta ukol sa negatibong komento ng ilang oil player sa lungsod at lalawigan sa lumabas na balitang mahal ang kanilang fuel products.

“I think, it’s a natural reaction na sumama ang loob nila pero I won’t bite it kasi mayroon kang responsibilidad sa publiko kahit na sa pampribado kang katatayuan ka kasi ‘yung produkto mo, kinu-consume ng publiko. Ngayon, kung rasonable naman ang presyo mo, hindi sasama ang loob mo kasi kaya mong patunayan eh na reasonable ito,” tahasan niyang pahayag.

Giit pa niya, ito ang isa sa mga dahilan kaya dapat na magkaroon ng patas na imbestigasyon at marinig ang kanilang panig at maibigay sila sa tamang ahensiya “para ‘yung hindi pagiging resonable ay ma-check at maitama.”

Ang mga iimbitaahan maliban sa DOE ay ang Bureau of Customs, PPA, BIR, ang mga nasa oil industry sa lalawigan gaya ng Petron, Shell, Total, Caltex; ang maliliit na oil player at ang mga mayroong oil depot.

Aniya, ibig lamang nilang makuha ang tamang impromasyon at marinig ang panig ng mga nasa industriya ng langis, lalo na sa DOE dahil aminado silang hanggang ngayon ay wala pa silang konkretong hawak na impormasyon kaya “mahirap mag-conclude.”

“Right now, we don’t have informed and well-placed conclusion [dahil mahirap] kung walang makukuha sa kanila. So, sosolusyunan natin [ito]; tingnan natin,” aniya.

Dahil “in aid of legislation,” nakabase sa makukuha nilang impormasyon ang kasunod na hakbang ng Junta probinsyal kagay ng pwede silang magrekumenda sa DOE at iba pang concerned national government agencies upang mabantayan.

“I am hopeful na makipagkaisa ‘yung ating mga partners sa national government, particularly from DOE and ‘yung mga private sector, mga oil players natin dito sa province,” aniya.