Natukoy na ng Bureau of Fire Protection-Puerto Princesa City (BFP-PPC) ang sanhi ng naganap na sunog sa isang cock breeding farm sa Phase 1, Purok Villa Princesa sa Brgy. Sta. Monica dakong ika-3 ng hapon noong December 9, 2019.
Ayon kay Fire Officer III Rud Mark Anticano, chief ng Investigation and Intelligence Section ng BFP-PPC, batay sa kanilang imbestigasyon ay electrical fire ang sanhi nito.
“Base sa ating assessment [ang sunog] ay dahil sa kanilang pull down socket adapter. So, may posibilidad na nagkaroon ng over loading then nag-over heat, uminit hanggang nag-cause iyon ng electrical fire hanggang nasunog nito ang buong breeding room and kumalat, umakyat doon sa dalawang kuwarto na nasa taas ng breeding room na ‘yon,” aniya.
Sinabi pa ni Anticano na nagsimula ang apoy sa bahagi ng breeding room na nadiskubre ng isa sa mga bantay.
Iginiit din niyang pagdating ng mga bombero sa lugar ay nasa mahigit 95 porsiyento nang nasusunog ang isang single storey poultry building na may dalawang bedroom.
Ito umano ay pagmamay-ari ng isang Fredilito Caballes at binabantayan ng kaniyang dalawang tauhan na sina Renald Caballes at Marlon Degala.
“Isa sa mga occupants na nakadiskubre ng apoy ay si Marlon Degala dahil kasalukuyan siyang natutulog ng mga oras na iyon doon sa kaniyang kuwarto. Nalaman umano niya ang sunog nang may nalanghap siyang sunog,” dagdag pa ni Anticano .
Sinubukan pa umanong apulahin ng mga bantay ang sunog subalit hindi nila ito kinaya lalo na’t gawa ang kwarto sa light materials.
Samantala, aabot lamang sa P18,000 ang halaga ng mga nasunog at sa kabutihang-palad ay wala namang nasaktan.