City News

Truck na naglalaman ng walong pirasong panel door, arestado ng otoridad

By Kia Johanna Lamo

August 24, 2018

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Nasabat ng pamunuan ng DENR – Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang isang trailer truck na may ang isang container van na naglalaman ng mga forest products.

Sa impormasyong inilabas ng CENRO Regulation and Enforcement Unit Chief Norma Cayatoc ay napag alaman na alas onse ng umaga noong araw ng Miyerkules, ika-22 ng Agosto, nang mahuli nila ang naturang truck sa isinagawang mobile check point sa Barangay Irawan katuwang ang PNP Station 2 (PS2) at ang PNP Maritime.

Ayon kay Cayatoc, noong mapansin nila ang truck ay agad naman nila itong sinuri at nang buksan ang karga nitong container van ay tumambad ang walong pirasong panel door na yari sa ipil na pinaniniwalaang galing pa sa bayan ng Narra.

Isa pa rito ay wala ding hawak na permit mula sa DENR ang driver ng truck kung kaya ay inaresto agad ito ng mga otoridad.

Sa ngayon ay nasa pulisya na ang suspek at nasa pangangalaga naman ng CENRO ang truck at walong panel door habang patuloy pa rin ang imbestigasyon laban sa mga suspek.

Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pag transport ng mga forest products na walang kaukulang permit at maaring makasohan at mabilanggo ang drayber ng sasakyan kasama na rin ang may-ari ng mga materyales.