City News

Puerto Princesa Incident Management Team, nakatanggap ng pekeng RT-PCR test result

By Angelene Low

March 19, 2021

Ibinahagi ni Dr Dean Palanca, Puerto Princesa Incident Management Team (IMT) Commander, na nakatanggap umano ang kanilang tanggapan ng mga pekeng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test mula sa mga nakikipag-ugnayan na mga indibidwal na nais bumiyahe patungo sa lungsod ng Puerto Princesa.

“Actually, dito sa amin meron kaming 2-3 case na fake yung RT-PCR nila. Dito pa lang ngayong month ng patapos ng February or early March. So, may nakikita kaming ganun agad na fake [at] hine-heads up namin yung nasa Manila pa lang yun so hindi sila tumutuloy.”

Aniya, hindi mapanagot ang mga ito dahil nasa ibang lugar sila. Kaya’t mas maigi ang pagsusuri ng kanilang tanggapan sa mga dokumentong isinusumite sa kanila upang hindi makalusot ang mga pekeng papeles.

“Hindi rin naming mapo-prosecute yun dahil andun yun sila sa ibang lugar. May mga case talagang ganiyan kaya dapat talaga i-check ng husto ang mga RT-PCR results ng chine-check naming at ng sa Validation para hindi po malusutan ka ng isang positive na tao…[dahil] peke yung kaniyang RT-PCR results na kaniyang ginawa.”

Ngunit kung sakaling makalusot man kahit isa sa mga ito ay magsasampa ng kaso ang tanggapan ng IMT.

“Hopefully hindi sila ma-sampolan naman ng mga ganun ‘no. Kung mahuhuli talaga natin dito eh bakit hindi natin makasuhan po talaga? Kasi parang ang alam ko falsification of public documents yun ‘no.”

Dagdag pa ni Dr Palanca, maaaring dahilan sa paggamit ng palsipikadong dokumento ay dahil sa kamahalan ng pagsasailalim sa RT-PCR test.

“Na-submit sa amin at nakita yun sa email nila na mukhang kakaiba yung resulta [at] nung nirere-check namin hindi na makipagtulungan yung nag-apply. Nawala siya, nawala parang bula na.”

“Alam mo naman ang ibang Pilipino hanap-hanap ng butas lalo na kung magastos yung test ng RT-PCR [na] nasa P4,000 to P5,000 yun. Napakasakit nga talaga sa bulsa nila kaya siguro kumakapit dito sa patalim na magawa ng fake pero sana wag silang mahuli kasi ‘pag dito sila nahuli talagang puwede silang kasuhan kasi medyo malaki-laking krimen na gagawin mo.”

Ayon naman kay City Administrator Attorney Arnel Pedrosa, ang sinumang mapatunayang gumamit at nagsumite ng pekeng RT-PCR test ay maaaring masampahan ng “falsification and/or use of falsified public documents, violation of Public Health Protocols ng National IATF Guidelines at Violation of Local/City Ordincance.”

Sa panayam naman sa isang residente na taga-Brgy. Sicsican, malaking posibilidad na kamahalan ng RT-PCR test ang isa sa mga rason kung bakit nagagawa ng mga ilan na mameke ng dokumento.

“Posible dahil mahal yung pagpapa-swab test o ‘di kaya naman para mas mapabilis yung proseso parang mas mapadali pa sila. Tingin kasi nila mabilis yung paraan na ‘to at makakalusot sila tapos hindi pa sila hassle lalo na kung may kamag-anak sila [o] pamilya sila sa ibang lugar. Tapos mura lang [ang pagpapagawa ng pekeng RT-PCR]. Imbis na ipang-swab test nila, ipapangkain na lang.”