Nakatanggap na ng disclosure agreement para sa pag-supply ng COVID-19 vaccine ang Local Government Unit (LGU) ng Lungsod ng Puerto Princesa ayon kay City Administrator Attorney Arnel Pedrosa.
“Actually, just recently ay meron kaming na-contact na nagpadala na ng disclosure agreement draft [at] kung sakaling matuloy ay baka ito ang kauna-unahang vaccine na ma-purchase ng city government…,” pahayag nito.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pag-aaral ng Puerto Princesa City COVID-19 Vaccination Council (PPC-COVAC) para masigurong mura at epektibo ang mga mabibiling bakuna.
“We are trying our best na makakuha tayo ng pharmaceutical company na mag-supply sa atin ng affordable and yet potent na Anti-Covid-19 na virus vaccine, yun ang hinahanap natin at yung makakasupply sa atin supisyente o enough para ma-cover yung not just 70% but 100% of our population here in Puerto Princesa City,” ani Pedrosa.
Pero paniguro nito, oras na magkaroon ng supplier ng maaasahang vaccine ay agad silang bibili.
“As soon as possible sana meron nang available sa market meron na tayong ma-contact and then baka bukas o sa susunod na linggo makapag-purchase tayo,” dagdag na pahayag nito.
Ngunit habang wala pang bakuna, patuloy umanong sundin ang health and safety protocols na ipinatutupad.
“Until such time na vaccinated na ang lahat ng 70% baka doon pa lang magkaroon ng change sa policy ng mga safety protocols pero kung wala pa yan ay mananatili yung mandatory wearing ng facemask at face shield at yung disinfection,” dagdag na pahayag nito.
Noong January 4, 2021, inanunsyo ni City Mayor Lucillo Bayron ang pagbuo sa PPC-COVAC. Inanunsyo rin ng alkalde na mayroon nang naipon na P127M na pondo ngunit ang target umano ng lokal na gobyerno ay makakalap ng P500M para sa pagbili ng mga bakuna kontra COVID-19.