Aerial View of Puerto Princesa Bay (Baywalk) Photo from lsgardenvilla.com

City News

Puerto Princesa, nakapagtala ng 3 panibagong COVID-19 confirmed cases

By Diana Ross Medrina Cetenta

August 15, 2020

May tatlong panibagong COVID-19 kaso ang naitala sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Ito ay base sa online advisory na personal na inanunsiyo ni City Information Officer Richard Ligad kahapon ng hapon.

Sa impormasyong ibinahagi ni CIO Ligad, sinabi niyang ang mga panibagong kaso ay dalawang locally stranded individuals (LSI) at isang returning overseas Filipino (ROF).

Aniya, ang dalawang LSI na parehong 23 taong gulang ay isang babae na dumating sa siyudad noong Hulyo 27 lulan ng Airasia at isang lakaki na dumating sa lungsod noong katapusan ng Hulyo sakay ng Cebu pacific habang ang ROF ay isa ring lalaki, 39 taong gulang, at dumating sa siyudad noong Agosto 1.

Pareho rin umanong asymptomatic ang nasabing mga pasyente na sa ngayon ay nakalagak na sa isolation rooms ng Skylight Hotel sa Rizal Avenue.

Sa hiwalay na interbyu, inihayag ni City Health Officer, Dr. Dean Palanca na patapos na sana ng kanilang 10-day mandatory quarantine ang mga LSI at ng 14-day quarantine ang ROF sa pasilidad ngunit pinalawig dahil sa tinatapos pa ang contact tracing hanggang sa dumating ang result ng swab test.

Ani CHO Palanca, August 13 nang isailalim sa swab test ang 37 katao, kasama na ang tatlong nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 na kung saan lumabas kahapon ang result sa naunang 32.

“Noong nag-contact tracing kami, nakasama sila (tatlo). Parang kung tingnan mo, third generation na sila. Ibig sabihin, mayroong unang nag-positive—nag-contact tracing kami, may nag-positive do’n sa na-contact tracing. Ngayon, doon sa na-contact tracing, nasama ang pangalan nila,” ani Dr. Palanca.

Kaugnay nito, dahil sa bagong mga kaso ay umakyat na sa 21 ang active confirmed cases sa kasalukuyan sa siyudad.

Sa kabuuan naman ay nasa 46 na ang naitalang kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Puerto Princesa na kung saan ay 24 ang gumaling na, 21 ang kasalukuyang mga kaso at isang sumakabilang-buhay na matatandaang residente ng Brgy. Tanabag.