City News

Red-tagging sa mga Community Pantries, walang basehan

By Angelene Low

April 20, 2021

“Kaysa mag red-tag, tulungan na lang po nila kami mag re-pack ng mga nakasakong bigas.”

Ito ang naging tugon ni Russell Fernandez, isa sa mga organizers ng Community Pantries sa Lungsod ng Puerto Princesa, nang tanungin kung ano ang kaniyang opinyon ukol sa pag-red-tag ng mga awtoridad sa Maginahawa Community Pantry sa Teachers Village Quezon City.

Aniya binuo ito dahil nais tumulong ng mga tao sa kanilang kapwa at walang basehan umano ang pag-red-tag sa mga ito.

“Ang community pantries ay nabuo dahil may pangangailangan. Ito ay nagsisilbi ring tugon ng mga mamamayan sa tulong, ambag na panawagan ng pamahalaan.”

“Ang pag red-tag sa mga ganitong inisyatibo ay walang basehan. Kapag malalaking kumpanya o politiko ang nagbigay, donasyon. Kapag ba mahihirap at pribadong indibidwal ang nagbibigay, galawang komunista na?”

Kaya’t dapat magtulungan na lamang ang lahat upang mas marami pa ang maabutan ng tulong.

“Sa panahon ngayon at sa kalagayan ng marami sa ating mga kababayan, ang kailangan natin ay pagkakaisa at pagtutulungan. Hindi pagtuligsa sa mga may nagagawa. Kaysa mag red-tag, tulungan na lang po nila kami mag re-pack ng mga nakasakong bigas.”

Ibinahagi naman sa social media na tigil muna ang pamimigay ng mga goods ng Maginhawa Community Pantry sa Teachers Village Quezon City, Manila dahil ni-red-tag umano sila ng mga awtoridad. Malungkot na ibinahagi sa social media post nito na para sa seguridad ng kanilang mga volunteers ay pansamantalang hindi muna sila mamimigay ng mga goods sa mga nangangailangan.

“Hindi magandang balita. Bukas po pause po muna ang #MaginhawaCommunityPantry para sa safety po naming ng mga volunteers. Malungkot po dahil hindi muna maipapamahagi ang goods na inihanda naming buong maghapon dahil po sa #RedTagging na nagaganap.”

Ang ideya ng community pantry ay upang makatulong sa mga indibidwal na nangangailangan at para rin sa mga taong mayroong nais ibahagi na mga pagkain. Ang Maginhawa Community Pantry ay naging inspirasyon para sa iba pang mga community pantry na magsulputan sa iba’t ibang dako ng bansa.

Dagdag pa sa post, ginagawa nila ito upang makatulong sa mga kapwa Pilipinong sa gitna ng pandemyang kinakaharap.

“Mabigat sa pakiramdam ko kasi maganda po ang intentions ko noong binuo ko ang #CommunityPantry at ilang araw na din po na napakaraming pinagsisilbihan nito at ganun din po ang tulong na dumadating. Sigurado po maraming tao po ang pipila sa amin bukas pero kailangan po muna nila maghintay sa susunod na araw bago po ito maipamahagi. Lalo na po at nagkaproblema kanina ang ibang Community Pantry sa mga kapulisan.”

Nananawagan naman ito sa kanilang Alkalde dahil kinuha ang phone number nito at inaalam kung aling organisasyon napapaloob ang kanilang mga volunteers.

“Humihingi din po ako ng tulong kay mayor Joy Belmonte tungkol sa usapin na ito. Lalo na po ay hiningi po ng tatlong pulis ang number ko at tinatanong po kung anong organisasyon ko. Natatakot po ako maglakad mag-isa papunta sa Community Pantry ng alas singko ng umaga dahil po sa walang basehang paratang sa amin. Gusto ko lang po talaga makatulong at sana po ay huwag niyong masamain.”

Ayon naman kay Katrina Lucena, na isa sa mga nanguna sa pagbuo ng Community Pantry sa lungsod, gagawin nila ito habang may mga kailangang tulungang at mga nais tumulong.

“As long as there’s donations to give and people to help, we leave our tables open. Also, yung mga pulis nga dito sa PPC tumutulong at nagtayo rin ng Community Pantry! Tulong-tulong talaga tayo dito. No divisiveness.”

Sinisiguro naman ni Em Ramos, na isa rin sa mga nag-organisa ng community pantry sa Sta. Monica, na ang mga nalilikom na donasyon ay hindi napupunta sa pondo ng mga komunista kundi sa lamesa ng bayan.

“Hopefully matigil na po ang tagging especially dito sa atin. Gusto lang naman po natin makatulong. Also, rest assured naman na ang mga pera ng nagdo-donate ay hindi nagbibigay pondo sa mga komunista. Diretso po ito sa lamesa ng bayan.”