Pinag-aaralan ng Sangguniang Panlungsod kung posible nga ba nilang limitahan ang hahawakang proyekto ng isang kontraktor dito sa lungsod ng Puerto Princesa.
“Pag-aaralan natin yan. Kasi nga sinasabi nila may Procurement Law tayo. Kasi nga National Law iyon hindi natin puwedeng supersede iyon ng ating local ordinance. Kaya pag-aaralan natin ng mabuti,” palaiwanag ni Konsehal Jimbo Maristela ng Puerto Princesa City Council.
Ibinahagi rin nito ang kanyang naging mga karanasan pagdating sa nangyayaring bidding sa pagitan ng mga pribadong kontraktor at gobyerno.
“Alam mo kasi, yung ibang mga experiences ko at napapakinggan ko, kung may mga favorite contractor yung isang makapangyarihan, kunwari pinapalabanan. May mga dummies na dalawa na lalaban sa kanya, pero laglag naman yung laban. Pero dito (Puerto Princesa) iba talaga, kahit na dummy wala man lang at talagang solo lang at hindi natin alam kung bakit ganun. At nakakapagtaka lang talaga at sana magawan natin ng paraan.”
Sa ngayon, kailangan umano nilang mabalanse ang agarang pagsasakatuparan ng mga proyekto at pag-imbestiga sa kakayahan ng mga private contractor na gawin ang mga proyekto na kanilang nakuha mula sa PuertO princesa City Government.