City News

Sangguniang Panlungsod, nais paimbestigahan ang kapitan ng Brgy. Mandragat

By Lexter Hangad

February 01, 2021

Nais paimbestigahan ng Sangguniang Panlungsod ang kapitan ng Brgy. Mandaragat dahil umano sa larawan na kanyang ipinost sa social media noong nakaraan taon kung saan tumanggap ito ng pera mula sa GSMAXX Construction.

Ayon kay Konsehal Jimbo Maristela, nais niya paimbestigahan si Kapitan Gerry Abad ng Brgy. Mandaragat dahil sa litrato na kanyang ipinost sa social media nung December 27, 2020. Sa  larawan umano ay inabutan ang kapitan ng pera ng presidente ng GSMAXX Construction na si Sammy James Sioson. Nakasaad din daw sa caption na, “Thank you po sir sammy James sioson President GSMAXX CONSTRUCTION na surprise nyo po ako sa binigay niyong gift po sa akin merry christmas and happy new year god bless.”

“Malinaw na tig-lilimang daan piso (P500) sa tingin ko po ay hindi bababa ng sampung libong piso po (P10,000) yan po ay sa facebook account ni Kap Gerry Abad. Hindi po ba yan kaya ang dahilan kung bakit maraming project ang GSMAXX?”

Pabiro ring tinanong ni Maristela ang mga kawani ng City Engineering Office na dumalo sa session kanina kung nakatanggap din ba sila ng pera mula sa GSMAXX CONSTRUCTION,

“At sa atin naman po mga taga-City Engineering, kayo po ang mag-iinspeksyon ng mga projects ng GSMAXX, hindi rin po ba kayo nakatanggap din ng tip?”

Bagaman mainit ang naging usapin sa ginanap na session kanina, bahagyang nagkabiruan pa sa loob ng sanggunian matapos na ipakita sa monitor ang larawan na ipinost ni Kapitan Gerry Abad. Hiniling naman ni Konsehal Maristela na masusing maimbestigahan ang post ng kapitan. Ipinasa naman ang usapin sa Committee on Good Government para sa kaukulang imbestigasyon.

Sinubukan naman ng Palawan Daily News na kunan ng panig si Kapitan Gerry Abad ngunit hindi pa ito nagbigay ng kanyang pahayag. Bukas ang Palawan Daily News sa magiging pahayag ni Kapitan Abad kaugnay ng usapin.