Hiniling ni Environment Secretary Roy Cimatu ang mabilis na resulta ng imbestigasyon kaugnay sa iligal na pag-aresto at police brutality sa DENR environment law enforcers ng mga tauhan ng City PNP sa pangunguna ni Col. Marion Balonglong.
Sa inilabas na statement ng DENR ngayong araw ng kalayaan, June 12, nakasaad na bagama’t nakaramdam ng galit si Sec. Cimatu, batid nitong “isolated case” lamang ang nangyari at nangakong hindi ito makaka-apekto sa kanilang trabaho sa pangangalaga at pag-protekta sa kalikasan.
“As much as I’m furious at what happened to my men, I hope this incident won’t affect the cordial relationship and collaborative partnership the DENR has with the PNP in fight against environment crims,” bahagi ng pahayag ng kalihim ng DENR.
Isasangguni din anya ng kalihim ang kaso kay DILG Secretary Eduardo Año na siya namang nakakasakop sa PNP.
Sinabi pa ni Cimatu na hindi katanggap-tanggap ang sinapit ng kanyang mga tauhan mula sa kamay ng inaakala nilang katuwang nila sa pagpapatupad ng batas at pangangalaga ng kalikasan.
“It is totally unacceptable that these environmental enforcers who continue to perform their duties despite the COVID-19 pandemic have to suffer violence at the hands of the police, who should be assisting them in their operations,” dagdag ni Cimatu sa inilabas na statement ng DENR.
Nangako din ang kalihim na dati ring pinuno ng Armed Forces of the Philippines na tutulungan nito ang kanyang mga tauhan na nakaranas ng hindi maganda mula sa kamay ng mga pulis sa pagsasampa ng kaso laban kay Col. Balonglong at mga tauhan nito.
Matatandaan na umaga nitong Miyerkules, June 10 habang ginagampanan ng mga tauhan ng DENR-CENRO ang kanilang tungkulin sa Barangay Matahimik – Bucana katuwang ang City Anti-Squatting nang bigla umanong dumating ang grupo ni Balonglong.
Pinadapa, tinutukan ng baril, sinaktan at inaresto ang mga ito sa hindi malamang kadahilanan kung saan ang mismong pinuno pa ng City PNP ang itinuturong nanakit sa kanila.