Dumulog sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) Puerto Princesa District Office ang 15 sa 45 na mga drayber na recruit mula pa sa mga bayan ng Surigao, Cebu at Cagayan de Oro laban sa nag-recruit sa kanila sa kadahilanang pinangakuan sila ng trabaho pero pagkatapos ng ilang linggo ay hindi pa rin ito naisakatapuran.
Inrereklamo nila si Engineer Ludivico Ruga ng Cycle Rock Aggregates Trading na nakabase sa Gingoog City, Misamis Occidental kasama ang mga umano’y business partners nito na kanilang pinangalanan na si Aris Ibon at tatlong mga Koreano na pangakuan sila ng trabaho sa minahan sa Palawan.
Ayon kay Alejandro Cabacaba, isa sa mga drayber na narecruit, “Nagpakilalang bossing namin na si Engineer Ludivico Ruga, yun ang nag-hire sa amin papuntang Palawan.”
Dagdag pa ni Cabacaba ay may opisina pa raw ito sa Cagayan de Oro at nung tinanong niya si Ruga patungkol sa pangalan ng kompanya dito sa Palawan ay sinabi nito na confidential raw ito.
“May opisina daw siya doon pati sa Cagayan de Oro kaya hindi namin alam kung ano ang title ng kompanya nila dito dahil iba naman yun yung kasosyo niya. Kung dala-dala nya ang title ng kompanya niya dito o iba. Dahil tinanong naman siya kung anong kompanya sabi niya confidential naman daw yung kompanya na yun,” dagdag ni Cabacaba.
Ang nais lang naman daw nila ay kagustuhang makauwi sa kanilang mga pamilya ngunit puro pangako lang ang binibigay sa kanila.
“Sa amin naman talagang gusto naming umuwi nalang na hindi na kami magpatuloy sa nasabing kompanya na iyan, kung totoo naman yung kumpanya na yan, dahil puro nalng pangako ang naibagay sa amin hangang ngayon wala paring katotohanan. Matagal na yung hinaing namin na bigyan lang kami ng pamasahe pauwi dahil hindi namin alam kung itong kompanya na ito kung totoo o hindi,” saad ni Cabacaba.
Una naring nakipag-areglo si Ruga sa mga drayber at pinangakuan na rin daw sila ng pamasahe noong magpunta ang mga ito sa NBI para magreklamo ngunit hindi ito natupad at nagbalik ang mga ito sa NBI para magsampa ng kaukulang kaso.
“Gusto nalang namin umuwi nalang. Bigyan lang kamI ng pamasahe, sana nung una naming reklamo dito, sila naman nakiusap na wag niyo nalang ituloy [ang reklamo] bigyan nalng kayo ng pamasahe ayun lang naman ang hiling ninyo kaya bigyan ko na kayo ng pamasahe ngayon o bukas. Eh nangyarI hanggang ngayon, wala parin. Pang ilang beses na naloko na kami sa pangako na iyan. Ngayon dito naman kami ulit sa NBI. Desidido na po kami na ituloy (ang kaso). Andito na eh. Sira sira na ang pamilya namin,” saad ni Cabacaba.
Sinabi naman ni Special Investigator III Cedrick Caabay na itinanggi ng minahan na nag-recruit ito at nagpadala ng tao dito sa Palawan. Sa ngayon ay inaayos na ang mga affidavit ng mga complainants at magsasampa na ng kaso sa mga inerereklamo.
“Nung inalam natin kung totoo na may nirecruit ang kompanya na ito na mga trabahador galing sa iba’t -ibang lugar ay kanila itong dineny. So ibig sabihin yung tumawag sa kanila at nag recruit at tumawag sa kanila nag padala dito sa Palawan ay hindi tao o hindi konektado sa sinasabing mining company. Sa ngayon, inaasikaso natin (ang) pagkuha ng affidavit nila at sasampahan natin ng kaso (ang) mga involved na tao na nag kumbinsing (mag) recruit sa kanila na mag trabaho dito sa lalawigan ng Palawan,” pahayag ni Caabay.
Dagdag pa ni Caabay na maaring kasuhan ng estafa, human trafficking at illegal recruitment ang mga nasabing nirereklamong mga tao.
Hindi rin nagbigay ng statement si Engr. Ruga ukol sa reklamo sa kaniya ng mga drayber.