City News

Suitability study ukol sa pagdedelaklara sa buong Palawan bilang Mangrove at Swamp Reserve, isasagawa ng DENR-PENRO

By Diana Ross Medrina Cetenta

August 24, 2020

Nakatakdang magsagawa ng pag-aaral ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ukol sa pagiging akma sa kasalukuyang sitwasyon ng lalawigan ng Presidential Proclamation No. 2152 na nagdedeklara sa buong Palawan, kasama ang ilang bahagi ng public domain at iba pang lugar sa Pilipinas  bilang Mangrove and Swamp Reserves.

Ito ang ipinaabot ng hepe ng Conservation and Development Section ng DENR-PENRO na si Rhodora Ubani sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod nang kanilang ipresenta ngayong araw ang nakatakda nilang pag-aaral na kanilang sisimulan ngayong 2020.

Ipinaliwanag ni Ubani na ang Protected Area Suitability Assessment (PASA) ay isang rapid screening at evaluation ng mga proposed area upang malaman ang kaakmaan sa paglikha ng protected area (PA) at paglakip nito sa National Integrated Protected Area System (NIPAS),   pagsuporta sa pagbabago ng boundary o disestablishment ng existing PA sa ilalim ng NIPAS, at pagrerekomenda ng akmang kategorya ng isang PA alinsunod sa nakasaad sa Section 3 ng NIPAS Act na inamiyendahan ng ENIPAS Act  na magiging basehan sa pangangalaga nito.

Sa katanungang bakit ngayon lamang ito isasagawa ng ahensiya, ipinaliwanag ng head ng Conservation and Development Section ng DENR-PENRO na matagal na panahon na wala pang detalyadong batas na nilikha para sa mga protected area at bagamat naipasa na ang NIPAS Act noong 1992 na kalaunan ay inamiyendahan pa ng extended NIPAS Act ay ngayong taon lamang din sila nabigyan ng pondo ng head Office para sa isasagawang assessment.

Sa tagal ng batas na nilikha noon pang Disyembre 29, 1981, nilinaw niyang kahit highly urbanized city (HUC) na ang Puerto Princesa ay kasama pa rin ito sa studies at ipinaliwanag na ang gagawin nilang assessment ay labas sa usaping pangpulitika bilang kasagutan sa tanong ng Konseho na bakit gagawin pa ito gayong may hakbang na ngayong hatiin na ang Palawan sa tatlong probinsiya.

Sa datus na ibinahagi ng ahensiya sa City Council, ang mangrove area ng lalawigan noong 1992 ay 50,602 ektarya at naging 63,152 ektarya sa pinakahuli nilang datus noong 2010.

Sa kabuuan namang 28 species ng bakawan, 23 nito ay matatagpuan sa lalawigan at 11 sa 19 families ang makikita rin sa Palawan.

Sa one-on-one interview ng Palawan Daily News kay Ubani na isa sa mga mangunguna sa isasagawang PASA sa buong lungsod at lalawigan, ang original na plano ay isasagawa ang unang pag-aaral sa bahaging norte ng Palawan ngunit hindi natuloy dahil sa pandemya at noong ilipat naman sa sur ay mayroon ding travel restrictions dahil kailangan pang mag-quarantine ang mga manggagaling sa Lungsod ng Puerto Princesa. Bunsod nito ay nagdesisyon na lamang ang ahensiya na yaman din lamang na sa lungsod ang kanilang provincial office ay gawin na lamang nila ito una sa na-identify na 49 urban barangays ng siyudad.

Ang PASA na sisimulan ngayong taon ay pinunduhan ng mahigit P1,000,000 at magtatagal hanggang sa susunod na taon.

Samantala, hindi muna humingi ng rekomendasyon ang grupo ni Ubani mula sa Konseho ukol sa nasabing batas dahil babalik pa sila sa Sanggunian matapos maisagawa ang PASA upang ilatag naman ang resulta ng nasabing assessment.