PUERTO PRINCESA CITY – Dahil sa pinagsanib na pwersa ng Mendoza Police Station 2 at City Anti-Crime Task Force na pinangungunahan ng Police Chief at ng City Information Officer, Richard Ligad, nasa kamay na ng mga otoridad ang suspek sa panggagahasa ng 16 anyos na dalagitang estudyante ng Palawan National School (PNS).
Dumulog at humingi ng tulong ang biktima at ang lola nito sa tanggapan ng pulisya at isinalaysay nito ang nangyaring panggagahasa sa kanya ng isang tricycle driver na kanyang sinakyan papasok sa eskuwelahan mga 4:00 AM ng madaling araw, Agosto 7, 2018.
Di umano’y sa halip na ihatid ang biktima ay dinala siya sa masukal na bahagi ng Barangay San Pedro.
Pinagbantaan ng suspek at tinutukan ng kutsilyo ang biktima na huwag magsusumbong sa otoridad kung hindi ay papatayin siya. Ang panggagahasa ay naganap sa loob mismo ng tricycle ng suspek. Agad naman nagsagawa ng manhunt operation ang mga otoridad upang madakip ang suspek. Kagabi, Agosto 8, 2018, ay naaresto ang lalaki.
Ayon naman sa suspek, tulog siya ng mga oras na maganap ang krimen at mariin din niyang itinanggi na siya ang humalay sa biktima. Imee P. Austria