City News

Tradisyunal na paraan ng pagdiriwang ng Banal na Misa, simula nang nagbabalik sa Palawan ngayong linggo

By Diana Ross Medrina Cetenta

June 05, 2020

Dahil pinayagan na ng pamahalaang nasyunal ang 50 porsiyentong seating capacity ng religious gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng MGCQ gaya ng Palawan, sa Immaculate Concepcion Cathedral Parish (ICCP) ng Apostoliko Bikaryato ng Puerto Princesa (AVPP) ay nakalatag na ang mga iskedyul para sa mga Banal na Misa ngayong linggo.

Sa inilabas na anunsiyo ng AVPP sa pamamagitan ng kanilang social media page na “AVPP-Ugnayan-Apostolic Vicariate of Puerto Princesa” kahapon, ipinabatid nila ang bagong iskedyul ng mga Banal na Misa sa kanilang mga nasasakupan nilang mga parokya na isasagawa alinsunod sa bagong kautusan ng pamahalaan.

Matatandaang batay sa Resolution No. 43 na inanunsiyo kahapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque kahapon, ika-4 ng Hunyo na alinsunod sa ibinabang resolusyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease ay pinapayagan na ang 50 porsiyentong dami ng tao sa orihinal na dami ng mga dumadalo sa anumang religious services. Kabilang din sa nasabing partikular na guidelines ang work conferences, pagbubukas ng sinihan, concerts, sporting events, at anumang entertainment activities.

Sa Palawan ay nasa mahigit dalawang buwan ding isinagawa ng AVPP ang live streaming ng mga Banal na Pagdiriwang dahil sa ipinatutupad na social distancing bilang bahagi ng pag-iingat kontra COVID-19 bagama’t nagpapatuloy pa rin ito sa kasalukuyan.

Alinsunod din sa ipinatutupad na minimum health standard ng DOH, simula noong unang araw ng Hunyo, ang simula ng pagsasailalim sa kategoryang MGCQ sa Palawan ay ipinatupad na ng pamunuan ng ICCP ang pagsasagawa ng thermal scanning sa lahat ng mga papasok sa simbahan, pagpapaapak sa kanila sa footbath, pag-require na magsuot ng facemask, at pag-obserba ng physical distancing hanggang sa oras ng komunyon dahil may inilaan na rin silang mga marka sa sahig ng Katedral.

Bahagi rin nito na ang binubuksan lamang na mga pinto sa ngayon para sa entrance ay ang Rizal Avenue at ang nasa Taft Street habang ang main door naman ang ginawang exit ng mga dumadalo sa Banal na Pagtitipon.

At para maiwasan ang kumpulan ng mga tao ay mayroon ngayong 30 minutong pagitan ang bawat misa na dati ay karaniwang tuloy-tuloy lamang noong wala pang kinakaharap na pandemya, gayundin ang pagdaragdag ng oras ng misa sa Sabado at Linggo. Ayon sa anunsiyo ng AVPP-PPC, sa Sabado ay may mga anticipated masses na naka-schedule sa ganap na 4:00 PM, 5:30 PM at 7:00 PM habang sa Linggo naman ay 5:00 AM, 6:15 AM, 7:30 AM, 8:45 AM, 10:00 AM, 11:15 AM, 12:30 NN, 2:30 PM, 3:45 PM, 5:00 PM, 6:15 PM at 7:30 PM. “Mangyari po na maging masunurin at mapagmatiyag [tayo] para sa kapakanan ng lahat,” ang bahagi naman ng paalaala ng pamunuan ng AVPP-PPC.

 

 

AVPP Ugnayan-Apostolic Vicariate of Puerto Princesa FB page

 

 

AVPP Ugnayan-Apostolic Vicariate of Puerto Princesa FB page

 

 

AVPP Ugnayan-Apostolic Vicariate of Puerto Princesa FB page

 

 

AVPP Ugnayan-Apostolic Vicariate of Puerto Princesa FB page