Courtesy of Romnick Aldea

City News

Traffic enforcers, sisibakin kung mapatunayang nangotong

By Mike Escote

September 25, 2019

Tiniyak ni City Traffic Management Office Engr Jonathan Magay na kaniyang sususpendihin ang dalawang traffic enforcers na diumano’y nangotong sa isang motorista.

Ito ay matapos na ipaabot ng Palawan Daily News kay Magay ang usapin at ipinapanood ang video ng umano’y pangongotong.

Ayon sa kaniya, habang iniimbestigahan nila ay isususpende muna niya ito at kung mapapatunayang nagkasala ay tuluyan na niyang tatanggalin sa trabaho.

Ngayong alas-1 ng hapon ay ipinatatawag na niya sa kaniyang tanggapan ang dalawang enforcers.

Matatandaang sa Facebook post ni Romnick Aldea, nagbigay sila ng P2,000 sa isang traffic enforcer pagkatapos na sila ay natiketan.

Iginiit ni Magay na bagamat hindi kita sa video ang pag-abot ng pera, kinumpirma niyang isa sa kaniyang mga tauhan ang nasa video at hindi rin pumalag sa panunuhol ang mga ito.

Dapat raw ay tinikitan pa raw ang traffic violator at inilagay sa ticket ang panunuhol nito.