Viral post ukol sa babaeng nangunguha ng bata, hindi totoong nangyari sa San Manuel, Puerto Princesa

0
451
- Advertisement -

Naalarma ang ilang residente ng lungsod ng Puerto Princesa matapos mag-viral sa social media ang balita tungkol sa isang babaeng nahuling nangunguha ng bata sa Barangay San Manuel.

Ayon kay Irene Mixdon, isa sa mga nag-share ng post, nagdulot umano ng matinding pagkabahala sa kanya ang nasabing balita nang mabasa niya ito sa isang Facebook post.

“Nakita ko kasi na shinare ng kaibigan ko and madami din dito sa atin ang nagshishare kaya ayun na-alarm ako kasi may mga kapatid din ako kaya shinare ko din then tinag ko yung mga kapatid ko, kasi for safety din ng mga kapatid ko, kasi if it’s true then I just want to warn them na wag masyadong maglakwatsa kasi may mga napabalita na nangunguha nga ng bata tapos binibenta yung mga organs so syempre diba it’s better to be safe than sorry,” saad niya.

Dagdag pa niya, “Gusto ko din po malaman kung dito ba talaga sa Barangay San Manuel, Puerto Princesa City yan nangyari kasi naguguluhan din po ako kung dito ba yun o hindi kasi ang sabi daw sa Cavite din kasi nakatag daw dun pero sa post kasi screenshot at sa ibang nagcocomment eh dito daw yun.”

Pinabulaanan naman ni Gloria C. Miguel, Kapitana ng Barangay San Manuel dito sa lungsod ng Puerto Princesa ang kumakalat na balita.

Aniya, hindi sa barangay San Manuel na nasasakupan niya nangyari ang nasabing balita kundi sa ibang bayan kung saan may kaparehong pangalan din na Barangay San Manuel.

“Hindi po yan nangyari dito sa aming barangay, wala pong report dito patungkol sa nangunguha ng bata. Nung lumabas nga yan sa Social Media tinanong ko yung Secretary ko kung saan ba talaga nag-ugat yun sabi sa Zamboanga daw po ba ata yun kasi may Barangay San Manuel din sa kanila ata, pero hindi po talaga yun dito sa Barangay San Manuel,” paliwanag ni Kapitana Miguel.

Siniguro din niya sa mga residente ng barangay na wala silang dapat ipangamba dahil ligtas at maayos ang seguridad sa kanyang nasasakupan.

“Huwag po silang matakot dahil ‘di po yan totoo at dito po sa Barangay San Manuel ay peaceful pa naman po at namomonitor ko naman dito yung mga tanod natin eh, nagro-robing po yan sila lagi, 24 hours po yan sila na nagbabantay ng Barangay San Manuel, huwag po silang mag worry kasi safe naman po tayo.”

Pakiusap naman niya sa mga patuloy na nagsi-share, nagko-comment at nagsasabing dito ito sa Barangay San Manuel sa lungsod nangyari na kung maaari ay siguraduhin muna ang mga detalye at impormasyong nababasa bago ishare dahil hindi biro ang takot na nadudulot nito sa mga mamamayan ng lungsod lalo na sa mga nanay at nakakasira din umano ito sa imahe ng Barangay San Manuel.

- Greetings -

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here