Ganap nang Tropical Depression ang binabantayang Low Pressure Area ng PAGASA at tinawag itong ‘AURING.’
“May balitang bagyo po tayo. Ang ating Low Pressure Area na binantayan nitong nakaraang araw ay ganap po itong naging bagyo at pumasok sa atin pong Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayon pong alas 8:00 ng umaga at tinawag po nating Tropical Depression Auring. Ngayon pong alas 10 ng umaga ito na po ay nandito sa 900 km Silangan Timog Silangan ng Hinatuan Surigao del Sur.” Ayon kay Sonny Pajarilla, Chief Meteorological Officer ng PAGASA Puerto Princesa.
Dagdag pa nito, tinatahak ng bagyo ang direksyong pa-Timog Kanluran at posibleng lumakas pa at maging isang ‘Tropical storm.’
“Nagtataglay po ito ngayon ng pinakamalakas na hangin na 45 km/hr malapit po sa gitna at 55 km/hr ang kaniya pong bugso. Ito po ay kasalukuyang kumikilos na medyo pasubsob – pa-Timog Kanluran sa bilis na 20 km/hr.”
“Ang ating bagyong si Auring ay nandito pa sa mainit na karagatan ng Silangan ng Mindanao. Ito po ay inaasahan na lalakas ng bahagya at nasa isang tropical storm category na atleast 65 km/hr ang kaniya pong center winds bago pa mag-landfall dito sa Caraga area, gabi ng Sabado at sa madaling araw po ng Lunes. Inaasahan na mapapanatili niya ang kaniya pong intensity na tropical storm habang patawid o papasok inland ng ating Central Philippine Islands at tatawid po dito sa Sulu Sea sa madaling araw Lunes.
Asahan umano ang pagtaas ng alon simula bukas ng gabi, Pebrero 18. At babala rin umano nito na maaaring umabot at maapektuhan ng bagyo ang Sur ng Palawan.
“Pupuwede pong umabot dito sa may Southern Palawan ang kaniyang track at maging yung dito po sa Central Philippines. Sa kasalukuyan, ito pong Northern Palawan at saka Calamianes group of islands ang maaari niyang tahakin sa araw po ng Lunes at maging sa madaling araw ng Martes.”
“Itong bagyong nalalapit bukas po ng gabi, Huwebes, [at kahit] malayo pa po man ang bagyo ay i-enhance niya po ang Hanging Amihan. Consequently, tataas po yung mga alon dito po sa Sulu. Bukas po ng gabi magiging maalon na [at] magtatagal po ‘yan ng Biyernes [at] maging sa Sabado. Magiging maalon pa rin po yan.”
Maglalabas naman ng babala ang kanilang tanggapan kapag ang bagyo ay nalalapit na sa gitnang bahagi ng Pilipinas.
“Pagdating po ng Linggo, dahil inaasahan po natin na medyo lalapit na po dito po sa Central Philippines ang atin pong [Tropical] Depression, maaari na pong magtaas ng ‘storm warning’ signal. So, kahit wala pa pong ‘Gale Warning’ diyan [ay] bawal po ang paglalayag. Tatagal pa po yan hanggang sa makatawid na ang atin pong bagyo dito sa West Philippine Sea sa araw po ng Martes [Pebrero 23].”
Panawagan naman ito na kung maaari ay huwag nang lumayag ang mga mangingisda dahil sa inaasahang paglakas ng alon.
“Mag-ingat ang ating mga kababayang mangingisda [at] kung maaari ay ‘wag na po talagang pumalaot dahil nga mayroon tayong bagyong patawid na, although malayo pa yan, tataas na po yung mga alon dahil po sa enhancement ng ating Hanging Amihan.”