Column

Ambag

By Joshua Buenaventura

November 14, 2020

Kung ang buhay ay isang dula o pelikula, ano ang ambag ng bawat isa sa ikagaganda ng kabuuang istorya? Oo, pwedeng maituring na pelikula ang buhay ng bawat isa sa atin at kanya-kanya tayong bida at pa-star sa sariling pinilakang tabing. Kung ganoon, ano ang nilamang ng pelikula mo sa pelikula ng buhay ko na ako naman ang bida?

Ang buhay ng tao sadyang magkadugtong-dugtong. Extra ako sa buhay mo habang may eksena ka rin sa buhay ko. Kaya pwede natin maitanong kung ano ba ang ambag natin sa buhay ng mga tao sa paligid natin.

May isang dalubhasang tao na ang pangalan ay John Maxwell na nagsabing, “Together each accomplish much.” May kaya kang gawin na hindi ko kaya at may kaya akong gawin na hindi mo kaya. Ang vanilla ice cream at coke masarap kainin at inumin, pero ‘pag pinagsama mo, may coke float ka na iba ang sarap na malalasap. Ang sorbetes na nilalako, masarap katulad ng pan de lemon na mabibili sa tindahang suki, pero ‘pag pinagsama sa panlasa, nakakawili. Ang isang banda may nagigitara, kumakanta, at iba pa; kung tutugtog at kakanta nang hindi magkakasama, iba kaysa ‘pag nagsama-sama–nakakaindak sa saya.

Sa paraang ganoon, ‘pag nagsama tayo, may mga bagay tayong magagawa na sadyang kamangha-mangha o lubos na maganda. Parang isang “star-studded” na pelikula na ang mga artista ay nag-aambag ng iba’t ibang galing nila para maging kabenta-benta ang kabuuang istorya.

Kung iisipin natin ang iba, ano nga ba ang ating mapapala? Kung tutulong tayo sa iba at gagawa ng tama, may ganansya ba tayong maasahan? Sinulat ni David sa isang salmo ang magandang pamantayan na maari nating maging batayan:

“Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo? Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok? Sumagot ang Panginoon, “Ang taong namumuhay ng tama, walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan, hindi naninirang puri, at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa. Itinatakwil ang mga taong sobrang sama, ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios. Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin. Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang, at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.” Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.” (Salmo‬ ‭15:1-5‬ ‭ASND‬‬)‬‬

Sa oras na tayo ay nahihirapan sa paggawa ng kinakailangan, ating tandaan na ang pangako ng Dios sa “taong gumagawa ng ganito ay HINDI MATITINAG kailanman.” Nawa’y hindi tayo panghinaan ng loob at patuloy na maging ilaw at asin ng sanlibutan. Tayo ang kailangan ng mundong nababalot sa kadiliman. Tayo ang may maiaambag na ikagagaan ng kanilang kabigatan. Tayo ang may maiaambag na ang buhay nila ay maging, tulad ng pangako ng Dios sa John 10:10b, masagana at kasiya-siya. Tayo ang extra na magbibigay sa kanila ng pelikulang maganda at bebenta–ang pelikula ng buhay nilang pinagpala dahil umekstra ka.