Kahit pa isinilang ako sa dekada 80’s, nagkamulat sa dekada 90’s, nakiuso sa 2000’s, at ngayon ay 34 na taon nang nabubuhay sa mundo ay masasabi ko pa ring may mga “ganap” na hindi ko pa rin masakyan. Isa na rito ang “call-out culture” o ang “cancel culture” na isang kolektibong pagkilos sa social media upang itakwil ang isang tao na ipinapalagay na mayroong nilabag na istandard o nagawang kasalanan. Samakatuwid, EKIS na ang taong ito sa lipunang onlayn.
Sa mga Gen Z madalas ikinakabit ang mga pagkilos na cancel culture dahil sila ang mas babad sa paggamit ng social media. Iba’t ibang #hashtag din ang pinapa-trending ng mga Gen Z at netizens upang maging popular ang panawagang kanselahin ang isang bagay, ideya, o tao.
Sa isang perspektiba, ang “cancel culture” ay nagdudulot ng kabutihan. Ito ang nagsilbing sandata ng mga nasa ibabang lipunan upang mapanagot ang may kasalanan sa mga pagkakataong ang hustiya ay nangangamba. Ginagamit itong boses ng mga simpleng mamamayang walang kapangyarihan ngunit nais tumindig sa isang paniniwala. At bilang bahagi ng kalayaan sa pagpapahayag at demokrasya, ito ay bagong mukha ng alyansya para proteksyonan ang mga karapatan at magdala ng pagbabagong panlipunan.
Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay naging matagumpay ang tunguhin nito. Katulad ng nangyari kay Kim Seon-ho, isang papasikat na Korean Actor na tinuligsa ng batikos at bullying dahil sa kontrobersya ukol sa aborsyon. Nailagay sa alanganin ang kanyang karera matapos tanggalan siya ng mga advertisement at sponsorship resulta ng panawagang i-boycott ang Korean actor pati ang kanyang drama series at mga endorsement. Ngunit sa huli ay nabawi ni Kim Seon-ho ang kanyang reputasyon matapos isiwalat niya ang bersyon ng kanyang katotohanan. Bumalik at nadagdagan pa nga ang kanyang endorsement maging ang kanyang followers sa social media.
Sa Pilipinas ilan sa matatandaang na-call out ng mga netizens ay sina Yeng Constantino dahil sa isyu ng “doctor shaming”, Toni Gonzaga sa kanyang vlog episode sa isang presidential aspirant, at ang international vlogger na si Nas Daily dahil sa isyu ng “Pinoy Baiting” at hindi umano pagrespeto sa kultura ng ating bansa. Banta pa ng ilang agresibong netizen ay mag-unfollow at huwag nang suportahan ang anumang proyektong kadikit ang pangalan ng mga personalidad na ito.
Sa mga ganitong pagkakataon kung bakit ang “cancel culture” na mismo ang dapat kanselahin. Dahil marami sa mga netizen na ang tingin dito ay isang “trend” na lamang sa halip na isang makabuluhang pagkilos, ito ay nagreresulta sa online bullying at nagbabanta ng karahasan. Mas masaklap pa ang mga kaakibat na kilos at pananalita ay mas matindi pa kaysa orihinal na pagkakasala na nais kanselahin.
Isa ring kritisismo dito ay hindi ito nakakapagdulot ng totoong pagbabagong panlipunan. Madalas ang mga kinanselang ideya ay nagiging pansamatala lamang na tila isang ningas-kogon. Samakatuwid, hindi naging produktibo ang panawagan o walang malalim na epekto sa mga nakiisa sa panawagan.
Dahil din sa umuusbong na kulturang ito ay naging padalos-dalos ang marami. Kahit sino basta hindi pareho ng pananaw, paniniwala, pag-uugali, o panlasa ay tila napakadaling maging target ng cancel culture. Kung tutuusin, nilalabag nito ang tunay na proseso ng demokrasya na siya namang buod kung bakit mayroong cancel culture.
Hindi isang simpleng usapin ang kulturang ekis. Tila hindi ito nagbibigay pagkakataon na maipaliwanag ang panig ng taong itinakwil ng lipunang onlayn bagkus ay hinayaang malugmok sa isang “pagkakamali” na kung tutuusin ay hindi naman tiyak o sadyang hindi lamang tanggap bunga ng magkaibang prinsipyo, kultura, at pagkakataon. Sa huli ang resulta ng kulturang ito ay ang umuusbong na ugaling mapagtakwil ng mga Pilipino at netizen: sensitibo sa isyu ngunit kapos sa malalimang pagtukoy sa ugat ng suliranin at hilaw na pakikipagkapwa sa mga taong biktima ng cancel culture.
Nawa ang kulturang ito ay hindi nag-uudyok na sulyapan lamang ang isang masamang gawi para ipanawagang kanselahin bagkus ito ay marunong ding tumingin at sumuri, at dalhin ang isyu sa mas mataas na diskusyon upang maitama kung mayroon mang baluktot sa paniniwala at hindi upang magdikta kung ano ang unibersal na katotohanan. May mga pagkakataong hindi maituturing na mali ang isang bagay kung sa magkaibang perspektiba ninyo ito tinatanaw.
Mas mainam kung ang kulturang ito ay hindi nagbabalatkayo sa pambubuska at dahas laban sa kapwa. Ang prinsipyong ipinapanawagan ng cancel culture ay parehong nakabubuti at nakasasama kung kaya ay maging maingat at responsable tayo kung anong martsa ng kulturang ito ang ating pasisimulan at sasamahan. Sa huli ng bawat laban ng cancel culture ay isang taong naipaglaban at isang taong naitakwil ngunit sila ay kapwa tao na may damdamin at karapatang dapat isaalang-alang.
Sa totoo lang, pagkatapos kong isulat ang artikulong ito, ay mayroon pa rin akong takot na baka ako naman ang mamarkahan ng pulang EKIS sa noo.