Kung ang buhay may mapa ano kaya ang itsura niya? Kung ang mga “hidden treasure” nga may “treasure map” na kasama, ano kaya sa buhay natin ang pwedeng tignan kung paano mararating ang tagumpay at kapahingahang inaasam-asam? Pero bago maghanap ng treasure map o abutin ang pangarap, ang magandang tanong ay “Ano nga ba ang ating inaasam?” Sa bagay na iyan nagkakaiba-iba na tayo ng sukatan; iyong iba payak na buhay okay na at kuntento na, sa iba naman tugatog at rurok ng tagumpay ang ipagbubuwis lahat kasama na ang buhay, samantala may iba rin na sapat na ang saktong pamumuhay. Sa buhay na ito, ano nga ba ang hanap mo!?
Noong narito sa lupa si Jesukristo ang sinabi niya; “Sapagkat ako na Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naliligaw.”” (Lk 19:10 ASND). Sa Mateo 18:11 ang parehas na linyang ito pinagitnaan ng dalawang halimbawa na nagpapakita kung ano ang mahalaga sa puso ng Diyos: 1. Ang mga bata na may mga Anghel na tagapagbantay na nasa harapan mismo ng Diyos Ama at, 2. Ang isang pastol na iiwanan ang siyamnaput siyam na tupa para hanapin ang isang nawawala. Binibigyan nito ng diin ang mga katagang isinulat sa John 3:16 na nagsasabing, ““Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Diyos sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay niya ang kanyang Bugtong na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kung hindi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Ganoon tayo kahalaga sa mata ng Diyos. Ikaw, ako, tayo ay ang totoong “treasure” na handa niyang ibuwis ang lahat kasama na ng buhay ng kanyang anak mapalapit ka lang – ako, tayo sa Kaniya. “Kaya puntahan ninyo ang lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod ko. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. At tandaan ninyo: lagi ninyo akong kasama hanggang sa katapusan ng mundo.”” (Mateo 28:19-20 ASND)
Sa Acts 8 makikita natin na “nagkawatak-watak ang mga mananampalataya sa buong lalawigan ng Judea at Samaria” (8:2). Kung babasahin ang kwento ni Felipe mula verse 4 hanggang 8 makikitang maraming nakinabang sa pagkakalayo-layo ng mga disipulo ni Kristo. Marami ang napagaling, nabiyayaan ng kapahingahan at napalaya kahit sa kapangyarihan ng mga demonyo kasama na mga nakalakad na mga paralitiko. Kung tutuusin marami ang nakinabang sa paghihirap ng mga nananampalataya na nagbunga ng maraming himala.
Kung ganoon kahalaga ang tao sa puso ng Diyos na isinugo niya ang anak niya sa kasalanan natin ay binayaran at tayo tinubos, Hindi ba dapat tayong humayo katulad ng mandato ni Jesu-Cristo sa Mateo 28:18-20, Aantayin pa ba natin na tayo ay usigin at paglayo-layuin para ang mga tao sa paligid ay maambunan ng kagalingan, kapahingahan at kaligtasan!? Hahayo ba tayo ng likas sa ating puso o aantayin nating usigin pa tayo at ipaglayo-layo?!? Muli ang pasya ay nasa sa atin kung ang mundo ay mapagpapala sa buhay at himala ng Diyos na nasa sa atin.