Isinulong ni DILG Undersecretary Martin Diño ang ‘Shame Campaign’, sa halip na pagmultahin ay hiyain o pagsalitaan na lamang sa harap ng madla ang mga makikitang walang face mask sa matataong lugar. Ayon kay Diño, ay isa ito sa paraan para ang mga matitigas ang ulo ay matauhan.
Sa gitna ng banta ng pandemya na ating kinakaharap, ang pagsunod at pagrespeto sa mga panukala at alituntunin ay isang malaking tulong para sa ating gobyerno ngunit tayong mga mamamayan ay mayroong boses na maaaring gamitin kung sakaling hindi tayo sang-ayon sa isa sa mga ito, kung tututol ka ba o hindi.
Makakatulong ba ang pagpapahiya para sa pagdidisiplina ng matitigas ang ulo? Maaari, pero mukha yatang hindi ito isang mabisang solusyon. Kung iisipin, karamihan sa mga tao sa ngayon ay alam nang dapat magsuot ng face mask. Kaya posibleng marami sa mga masisista at maipapahiya ay nakalimutan lang ang face mask dahil sa pagmamadali, kagaya na lamang kapag mayroong emergency o hindi inaasahang sitwasyon, mayroong mahalagang bagay na dapat gawin, bilihin at puntahan. Sa tuwing natataranta, salawal nga minsa’y nakakalimutang suotin, face mask pa kaya?
Ginagawa natin ang lahat ng paraan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, presensiya at pakikiisa ng lahat ang kailangan. Ikaw, kapag napansin mong walang suot na face mask ang katabi mo, pupuwedeng ikaw na mismo ang pumuna at magpaalala. Kung mayroon namang masisita ang mga otoridad puwedeng kausapin ng mahinahon at bigyan nalang ng libreng face mask, o di kaya’y bentahan ng face mask, maraming online seller ang maaaring maging supplier. Walang dapat ipahiya sa ganitong panahon na may kinahaharap na krisis, ang kailangan magtulungan hindi ang mamamayan ang kalaban.