Column

Kaloob ng Pagpapasakop sa Diyos

By Joshua Buenaventura

September 04, 2020

Hindi hadlang ang kahirapan o kahit anumang anyo ng kakulangan para makamit mo ang kaligayahan at kagalakan. Hindi rin hadlang ang kawalan para makamtan mo ang kapahingahan ng isip at damdamin o ang kapayapaan ng puso at kalooban. Sa Diyos nagmumula ang lahat ng ating kinakailangan. Sa kanyang pananahan sa ating kalooban nasusumpungan ang katugunan sa lahat ng kakulangan at kahirapan. Ang Diyos ang Siyang ating kailangan.

Sa mga oras ng kagipitan nagkakatalo talo lang ang lahat ‘pag nagkalabasan at nagkaalaman na kung kanino naka-ugnay at sino-sino ang mga handang umagapay. Madalas sa kagipitan napapatunayan ang lakas, lalim, at tindi ng pagkakaibigan, pagkaka-IBIG-gan, pagkakaunawaan at pagmamahalan. Gayun din madalas ang taong nakasama at naasahan mo sa mga oras ng kagipitan at pangangailangan ay maasahang totoo at busilak ang kalooban. Kung kaya kang samahan ng tao, kaibigan man yan o ka-ibig-gan, sa pinakalugmok na bahagi ng iyong buhay, walang handlang kung bakit hindi nyo malalampasan ang iba pang uri ng pagsubok na haharapin.

Hindi nga kaya iyon ang dahilan kung bakit sa pinaka-sagradong sumpaan sa Diyos, tao at batas ang mag-aasawa ay nanunumpa na kanilang mamahalin ang isa’t-isa “for better, for worse, for richer, for poorer, in sickness and in health, to love and to cherish, till death do us part.” Kung iisipin at ang puso ay susuriin, hindi rin kaya tayo bilang parte ng simbahang ikakasal sa ating Panginoong Jesukristo ay dumaraan sa mga paghihirap, pagsubok, kakulangan at kawalan para ang ating paninindigan ay masukat kung tayo ay mananatiling tapat sa Diyos na ating tinatawag na panginoon at tagapagligtas? Kung kaya lang natin sumunod sa pamantayan ng Diyos dahil sa kanyang mga pangako at pagdating ng mga pagsubok ay marupok at agaran tayong sumusuko, hindi kaya iyon ang dahilan kaya ang ating pangangailangan ay hindi matustusan ng Diyos na siya naman talagang may kayang katagpuin ang lahat ng iyan?

Ang mga pangako niya sa kanyang salita ngayong araw na ito ay ang mga sumusunod: 1. Kasaganahan at naguumapaw na kaligayahan. “Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa. Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.” (Salmo 126:5-6 ASND) 2. Tulong at pag-iingat. “Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito. Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan, walang kabuluhan ang pagbabantay dito.” (Salmo 127:1 ASND) 3. Kapahingahan at kapayapaan. “Walang kabuluhan ang paggising nang maaga at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain, dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog.” (Salmo 127:2 ASND)

Ano pa ba ang kailangan natin sa mundo na hindi nasasakop ng kapangyarihan ng Diyos na handa niyang ipagkaloob sa mga taong tapat at mapapatunayang nagtatapat kahit sa gitna ng paghihirap. Hindi nga kaya tayong simbahan ng Diyos, Ang kanyang magiging asawa, ay inihahanda sa mga pagpapalang nakalaan na para sa atin? Hindi kaya kahit na may materyal na bagay tayo ay wala ang kapayapaan, kapahingahan, kagalakan dahil hindi natin mapatunayan na tapat tayo sa ating pagpapasakop.

Kung ikakasal tayo sa Diyos hindi nga ba dapat isaayos natin ang ating paninindigan na kahit sa oras ng kagipitan tayo ay mananatiling tapat sa ating pagmamahal sa kanya. Nawa’y maging matatag tayo, ikaw at ako, sa oras ng pagsubok at ‘pag tayo ay humarap sa ating Dios kaya nating Sabihin na; “naging tapat ako sa INYO for better, for worse, for richer, for poorer, in sickness and in health, to love and cherish… till death has reunited me with you oh God!”