Nagpahayag ng pagkalungkot at pagkadismaya ang kura paroko ng Bgy. Liminangcong sa bayan ng Taytay nang nakitang bandalismo gamit ang ballpen at pentel pen sa krus ng kanilang Mt. Calvary. Ayon kay Rev. Fr. Neil Bacones, mismong ang mga kabataan na nasa kumbento ang nakatuklas sa bandalismo sa krus nitong nakaraang linggo at agad na isinumbong sa kanya.
Isang concerned citizen na rin mula sa Bgy. Liminangcong ang nag-post nito social media para mapukaw ang pansin ng mga kinauukulan.
Ayon pa kay Fr. Bacones, maraming nagpaparating ng sumbong sa ginagawang pagsusulat sa krus ng mga salitang tila ekspresyon umano ng mga kabataan na una ay ballpen pa lamang ang ginamit. “Medyo masakit sa loob kasi wala naman ginagawa sa kanila ang krus.
Iniingatan namin ito dahil tuwing mahal na araw diyan kami umaakyat at pumupunta kaso nga lang may mga kabataan siguro na hindi maiwasan na maglagay ng kanilang ekspresyon doon ng kanilang sarili, parang nawawalan sila ng respeto,” pahayag ni Fr. Bacones. Bukod sa bandalismo, tila problema na rin umano sa lugar ang pag/iinom dahil sa nakikitang bote ng alak. Marami kasing pwedeng daanan paakyat at pababa ng Mt. Calvary.
Nakipag-ugnayan na ang simbahan sa barangay para magawan ng aksyon ang sumbong. Sabi ng barangay ay iimbestigahan nila ito. Hinala ng pari, grupo ng mga kabataan ang gumawa nito. Hindi pa matukoy kung ang mga ito ay residente ng Bgy Liminangcong. May ilang pangalan rin umanong tinutukoy base sa mga sulat na nakalagay sa krus na kanila nang hinahanap para makausap.
“Gusto ko pa rin ipatawag ang mga batang ito para alamin ang gusto nilang mangyari. Bakit sa dinami dami naman bakit ang krus pa, alam naman nila na binasbasan ito at sagrado iyan.”
Ang Mt. Calvary sa Bgy Liminangcong ay nagsisilbing landmark na sa buong barangay tuwing mahal na araw.
Dito rin tumutungo ang mga deboto para magdasal at magnilay-nilay. Isa itong sagradong lugar na dapat ay ginagalang ng mga residente lalo na nang mga kabataan.