Buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) ang naka FULL ALERT STATUS, simula bukas, Disyembre 15, araw ng Huwebes.
Layunin ng pagsasailalim sa full alert status ng Philippine National police, ay ang pagsisiguro ng pagkakaroon ng masaya at ligtas na pagdiriwang ng araw ng Pasko, kung kaya’t pagpasok pa lang ng holiday season, kailangan nang maging pagiging visible ang mga miyembro ng PNP sa lahat ng mga istratehikong lugar, bukod pa sa patuloy na pagpapatrolya ng mga mobile cars, lalo na pagsapit ng gabi.
Bukod ditto sinabi pa ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., nakatakdang Idisperse ang 192,000 pulis o 85 percent ng puwersa ng pulisya sa iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular sa mga pampubliko at matataong lugar tulad ng mall, parke, paliparan, pantalan at terminal o paradahan ng mga sasakyan.
Sakaling magkakaroon ng Christmas break ang isang miyembro, kinakailangan pa rin nitong magreport sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya sa kanilang lugar, upang makadagdag sa kanilang puwersa sa pagmamantina ng kaligtasan ng lugar.
Samantala, hindi na seselyuhan sa pagsalubong sa Bagong Taon ang mga baril o “service firearms” ng mga miyembro ng PNP.
Ang instruksyon na ito, ayon sa pinuno ng PNP, General Azurin ay bilang pagpapakita ng kumpiyansa ng pamunuan sa kanilang mga tauhan na hindi gagamitin ang baril kung hindi kinakailangan ngayong holiday.
Sa kabila nito, binigyang diin naman ni Azurin, mahigpit nilang ipatutupad ang “No Mercy Policy” sa mga pulis na lalabag sa panuntunan o batas, at walang makaliligtas kasama ang mga superior na masasangkot sa anumang iligal na aktibidad.
Nakatakda ding imonitor ng lahat ng mga unit commanders ang kaso ng indiscriminate firing sa kanilang nasasakupang komunidad.