City News

Kalalayang inmate ng City Jail, kasama ang live in partner, timbog sa buy bust

By Estrella Miranda

June 19, 2018

Puerto Princesa City – Hindi na nakahulagpos sa mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit ang isang kalalayang inmate na nakilalang si Eduardo Canino na may alyas na “Ding’ kasama ang live in partner nitong nakilalang si Ruby Ann Buñag sa kanilang tinitirhan sa Barangay Santa Monica, Lungsod ng Puerto Princesa, dakong alas dose ng hatinggabi, Hunyo a disi siyete, ng taong kasalukuyan.

Si Canino ay kalalaya lamang mula sa pagkakakulong sa Panglungsod na Piitan nitong nakalipas na Marso a otso, samantalang ang kanyang ka live-in naman na si Buñag ay parehong walang permanenteng trabaho.

Batay sa mga otoridad, maaga pa lamang ay kanila nang minanmanan ang aktibidad ng mga target, at nang maging positibo batay sa kanilang ipinain na asset ay kagyat na kinatok ng mga otoridad ang bahay ng suspects.

Nang makapasok ay sinimulang halughugin ang kuwarto ng dalawa at doon natuklasan ang ilang piraso ng mga drugs paraphernalia, ilang sachet ng shabu, kandila at ilan pang gamit sa pagre-repack ng umano’y pinaghihinalaang shabu.

Sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng kustodiya ng City PNP ang mga suspects at inihahanda na ang kasong laban sa mga ito particular ang paglabag sa Section 5, 11 at 12 ng RA 9165.