Naglalayon ang munisipyo ng Narra sa pamumuno ni Mayor Gerandy Danao sa tulong ng Narra Municipal Police Station na maging drug-cleared na ang naturang bayan bago matapos ang taong ito.
Sa mensaheng ibinigay ni Danao sa pagbubukas ng ika-apat na Balay Silangan sa bayan ng Narra noong Disyembre 5, isang pasilidad na nagbibigay ng pagkakataon upang magbagong-buhay ang mga drug- surrenderes ng naturang munisipyo at turuan sila ng iba’t-ibang livelihood projects at aktibidad, ipinaalam ni Danao na nagkakaisa ang layunin ng kanyang administrasyon gayundin ng Narra MPS sa pamumuno ni PMAJ Romerico Ramos na tuluyan nang malinis at masugpo ang droga sa naturang bayan.
“Nag-usap na kami ni chief (Remo) aararuhin talaga natin ito kaya pinapaalam ko. Ang Narra ay hindi bagsakan ng droga. Daanan tayo kumbaga ng droga na papuntang north at south, daanan kami. Kaya kung sino pa ang sumasalo ng ganitong activities, palagay ko ngayon matitigil na ‘yan,” ani ni Danao.
Ayon din kay Danao, kamakailan ay dumalo siya sa dalawang araw na seminar sa Puerto Princesa City patungkol sa patuloy na problema ng droga at kung papaano ito masusugpo.
“Galing kami sa seminar ng DDB (Dangerous Drugs Board) at deliberation ng lahat ng barangays na na-cleared na sa drugs. Ang naiwan sa atin ay anim pa, dalawa ang na cleared na,” ani ni Danao.
“May nagtanong sakin doon kung hanggang kailan pa bago ma-clear ang Narra, sinabi ko ngayong December tapusin na natin ito. Kasi kung aabot pa ng January, baka lumala pa ito. Kaya lilinisin natin ito ngayong December,” dagdag niya.
Ayon pa din kay Danao, ang Balay Silangan ay magsisilbing panibagong mitsa ng pag-asa para sa mga kababayang nais nang tuluyang magbago at mabigyan ng panibagong pagkakataon
“Ang Balay Silangan ay proyekto ng gobyerno para sa lahat. Ito ay binigay sa atin ng gobyerno para iparamdam na kayo ay inaaruga ng gobyerno, hindi tayo nilulubog ng gobyerno sapagkat mahal tayo ng gobyerno,” ani ni Danao.
Ito ay sinang-ayunan naman ni PMAJ Remo, kasalukuyang hepe ng pulis Narra, at matatandaang dati ring naging head ng Palawan Drug Enforcement Unit (PDEU) ng probinsya.
“Ang Balay Silangan ay proyekto ng government kasama ng ating mga stakeholders nang sa ganun ay maitama at matulungan natin ‘yung ating mga drug surrenderers. Para pagbalik nila sa kanilang mga tahanan, komunidad ay maayos na sila,” ani ni Remo.
Samantala, nito lamang buwan ng Disyembre ay may naitala nang limang suspek ang nahuli ng mga otoridad sa magkabilaang buy-bust operation sa naturang bayan.
Sa pinaigting na kampanya laban sa pagsugpo ng droga, inaasahan sunod-sunod na ang magiging operasyon ng mga otoridad sa munisipyo ngayong buwan.