Education

Data loss ng enrollment system ng Palawan State University, nasa 90% naresolba ayon kay Dr. Salvador, university registrar

By Claire S. Herrera-Guludah

August 31, 2022

Ipinaliwanag ng pamunuan ng Palawan State University (PSU) ang kabuuang pangyayari hinggil sa data loss ng enrollment system ng unibersidad nitong nakalipas na ika-3 ng Agosto, 2022.

Sa isang press conference na ipinatawag ng pamunuan ng PSU, ipinahayag ni Dr. Carlos Alfonso Salvador na kasalukuyang university registrar, ang data mismo ng enrollment ang siyang nawala, kasabay na pagtanggi na ito ay hindi isang breach ng system bagkus ay data loss.

Batay sa kanyang paliwanag, Agosto 3, dakong alas 4:00 ng hapon, natuklasan ng pamunuan ng PSU na hindi na nagpoproseso ang data system ng enrollment, ito ay huling dalawang araw ng enrollment ng mga estudyante.

Bilang aksyon agarang kinansela ang nalalabing araw para sa enrollment ng unibersidad. Mula Agosto 4-7, napag-alaman nila na planong “i-migrate sa new enhanced enrolment system”, na mas maganda at bagong klase ng system, ngunit biglang nawala ang mga data.

Mabilis na nagpulong ang mga nakatalagang departamento na kinabibilangan ng accounting, registrar, cashier , at iba pa, kasama ng ICT, upang subukang ayusin at i-retrieve ang data.

Mula sa mga petsang nabanggit, sinubukang i-retrieve ang data na nasa loob ng system na siyang dahilan kung kaya’t nabimbin ang pagpapatuloy ng enrollment na kanilang napagtanto na mayroong data loss.

Dahil sa kailangan ng technical assistance ng ICT, humiling na ang pamunuan ng PSU sa kanilang supplier hinggil sa naging problema. Nagkaroon ng assement noong ika-10 ng Agosto at mayroong mga concerns ang IT- IRA na siyang nagboluntaryo upang i-retrieve ang data ng PSU.

Habang nasa proseso ng pag-retrieve ng data noong ika-15 ng Agosto, napagtanto na mayroong nawawalang 10% na siyang naglalaman ng data ng dalang huling semester sa nakalipas na panuruang taon.

Dahil na rin sa hindi na mahintay na mabuo ang nawalang system, nagpatawag kaagad ng pagpupulong ang management committee kasama ang Presidente ng mismong unibersidad sa pangunguna ni Dr. Ramon M.Docto kung kaya’t napagkasunduang bumuo ng komite hinggil sa nabanggit na isyu na kinabibilangan ng data recovery committee, kasama ang disaster recovery coordinators, ito ang mga tanggapan na registrar, accountant, cashier, ICT, at PIO habang ang isa pang komite ng critical business unit advisors ang siyang tututok sa aspetong teknikal at iba pang kaakibat na opisina katulad ng registrar, dalawang college secretaries, data privacy officers, at IT-IRA, at ang pangatlong komite ay ang recovery team na siyang magpa- facilitate ng data na katatampukan naman ng mga ICT managers mula sa iba’t-ibang opisina at mga colleges ng Palawan State University.

Dahil sa antisipasyon ng mga kinauukulan na magkakaroon ng problema hinggil sa nawalang data, kung kaya’t naghanda agad sila ng data recovery plan, na inaprubahan ng mancom matapos ang presentasyon na naglalaman ng 16 na critical concerns.

“Nasa profiling of students at 40% has been assorted and sent to the college for checking,” saad ni Dr. Salvador. Nasa 100% na ang accomplishment para sa mga freshmen students ng PSU ang natapos na.

Sa kabuuan, sinabi ni Dr. Salvador, marami silang kaparaanan upang hindi na maulit ang ganitong klase ng pangyayari, bagama’t patuloy ang kanilang mga istratehiya at aksyong pangteknikal kabilang na pagkakaroon ng cloud server at iba pa. Hiniling din ng pamunuan ng Palawan State University ang kooperasyon ng mga estudiyante at pasasaan ay magiging maayos na gamit ang bagong system ng unibersidad.