Photo Credits to Senator Win Gatchalian

Education

Panukalang pagrepaso ng K-to-12 Program, isinusulong ni Sen. Gatchalian

By Claire S. Herrera-Guludah

July 18, 2022

Dahil na rin sa  pagdagsa ng mga reklamo at hindi pagkakuntento, ninanais ni Senador Win Gatchalian  na repasuhin ang K-to-12 Program ng Department of Education.

Nilalaman ng Proposed Resolution No. 5 ang pagrepaso ng Senado sa pagpatutupad ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law.

Para kay Gatchalian kailangang bigyang pansin ang pagtasa kung gaano kaepektibo ang implementasyon ng K to 12 sa bansa.

Matatandaan na sa nakalipas na Pulse Asia Survey na isinagawa nitong nakalipas na ika-24 hanggang ika-27 ng Hunyo na  mayroong 1,200 respondents, 44% sa mga ito ang nagpahayag ng hindi pagkakuntento sa K to 12 program.

Tumaas ito ng 16 na percentage points sa isinagawang survey noong 2019, na meron lamang na wala pang 30 porsiyento ang nagsasabing hindi sila kuntento sa sistema ng K to 12.

Sa Pulse Asia survey, tumuntong lamang ng 11 percentage points ang satisfaction rate o pagiging kuntento ng mga Pilipino sa K to 12 system kumpara sa resulta noong 2019.

Noong 2019, umabot sa  50 porsiyento ng mga kalahok sa survey ang nagpahayag na sila ay kuntento sa programa, ngunit ngayong 2022 wala pang 40 porsiyento sa mga kalahok ng survey ang nagsabing kuntento sila sa programa.

Ang panukalang pagrepaso ay isa sa mga prayoridad ni Gatchalian para sa 19th Congress at isa sa kanyang mga pangako nitong nagdaang kampanya.

Matatandaan na Isang survey ang isinagawa sa pakikipag- ugnayan ng upisina ni Gatchalian noong Disyembre 2019 ang nagsabing sa mga hindi kuntento sa programa ng K to 12, ang pagkakaroon ng dagdag na gastos ang pangunahing dahilan.