Environment

ASP, ibinalik sa dagat ang 88 Olive Ridley sea turtles

By Chris Barrientos

January 04, 2021

88 Olive Ridley sea turtles ang ini-release at ibinalik sa dagat kahapon, January 3 ng Alimanguan Sagip Pawikans o ASP sa bayan ng San Vicente.

Ayon kay Ronniel Del Rosario, ang pangulo ng ASP, ang mga pawikan ay mula sa mga itlog na kanilang na-recover mula sa tabing dagat ng Barangay Alimanguan.

“Nakuha lang namin ‘yung mga itlog na ‘yan habang nag-iikot kami at inilagay na rin namin doon sa mga nest namin para hindi na ma-disgrasya pa ng mga aso,” ani Del Rosario sa panayam ng Palawan Daily.

Ang ASP ay nabuo nito lamang Hulyo ng nakaraang taon at nagpapasalamat sila dahil unti-unti na aniyang natututo ang mga kakabayan nila na pangalagaan ang mga pawikan.

Photo credits: Alimanguan Sagip Pawikans

“Masaya kami kasi natuto na rin sila lalo na ‘yung mga bata at kabataan. Dati kasi hinuhuli nila ‘yan [pawikan] at kinakain o pinaglalaruan ng mga bata ‘yung mga itlog o baby turtles pero ngayon, katulong na namin sila,” dagdag pa ito.

Ito rin ang pinagpapasalamat ni SK Chairman Phil John Dordines ng Barangay Alimanguan at sinabing makakaasa ang ASP at ang pamahalaan na silang mga kabataan ay katuwang sa pagprotekta ng mga pawikan.

“Being SK Chair is not easy. You need to give the needs and to solve the issue of your constituents lalo sa youth sector, but when this organization build by their own initiative, napagaan ang aming obligasyon dahil katuwang na namin sila [ASP] lalo na sa pagprotekta sa mga pawikan na siyang nagbibigay balanse sa ating ecosystem. Sila na rin mismo ang nagbibigay ng kaalaman patungkol sa mga pawikan kung gaano ito kahalaga sa ating kalikasan at sa atin bilang mga tao,” sabi ni Dordines sa panayam ng Palawan Daily.

Samantala, inaasahan na sa susunod na mga araw ay mapipisa na rin ang mga itlog mula sa mga turtle nest na inaalagaan ng grupo at agad din naman itong ire-release sa dagat.

“Mga 2-3 days pa siguro ‘yung sa mga nest namin and sunud-sunod na po ‘yan. Base kasi sa seminar namin, dapat i-release agad sila ‘pag napisa pero maganda talaga sa madaling araw o hapon namin gawin ang release para iwas sa mga predator sa dagat,” paliwanag ni Del Rosario.

Kasama sa pag-release ng mga pawikan kaninang umaga si Mayor Amy Alvarez na mula noong nabuo ang grupo ay nagpaabot na ng kanyang suporta.

“Alimanguan Sagip Pawikans Association is one of the several youth associations in Barangay Alimanguan I have been helping. I had representatives from the PCSD and DENR come and educate them about the importance of turtle conservation and they also received training on handling and securing the nests to releasing them after they hatch. And I wanted to be there to witness the release of the first group of hatchlings from their protected nests,” ani Mayor Alvarez sa ipinadala nitong mensahe sa Palawan Daily News.

Ang olive ridley turtle o mas kilala bilang Pacific ridley sea turle ay kabilang sa Cheloniidae. Ito ang ikalawa sa pinakamaliit at pinakamaraming uri ng pawikan sa buong mundo. Kadalasan itong natatagpuan sa tropical waters tulad ng Pacific at Indian Oceans gayundin sa Atlantic Ocean.